Pito ang naiulat na binawian ng buhay habang apat na iba pa ang nawawala nang hagupit ng bagyong Vicky ang Mindanao at iba pang bahagi ng Visayas.
(JUAN CARLO DE VELA)
Ito ay batay na rin sa pinag-isang ulat ng Philippine National Police (PNP) kahapon.
Binanggit ng pulisya na lima sa mga namatay ay mula sa Caraga region at dalawa naman ay mula sa Eastern Visayas.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng pito.
Binanggit din ng pulisya na dalawa naman ang naiulat na nawawala sa Davao region at dalawa rin sa Caraga.
Sa natanggap na ulat ng PNP, aabot sa 1,038 pamilya ang pansamantalang nananatili sa iba’t ibang evacuation center sa Caraga at Davao region.
Naiulat din na mahigit sa 500 indibidwal ang nasagip sa malawakang pagbaha sa Mindanao.
Kaugnay nito, isa na namang panibagong low pressure area (LPA) ang namataan sa Silangan ng Luzon, kahapon.
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible rin magdala ng pag-ulan ang nasabing LPA.
Sa abiso ng PAGASA, papalabas na ng Pilipinas ang bagyo at huli itong namataan sa layong 135 kilometro Silangan-Timog Silangan ng Kalayaan, Palawan, kahapon.
Lalabas na ng bansa ang bagyo sa loob ng 24 oras, sabi ng PAGASA.
Makararanas din ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, Masbate, at northern portion ng Palawan, kabilang na ang Calamian Islands, at Kalayaan Islands.
-AARON B. RECUENCO at ELLALYN V. RUIZ