Tiniyak ni Senador Sonny Angara na tuloy pa rin ang ayudang ipamimigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga nawalan ng trabaho dulot ng coronavirus disease 2019 pandemic.
Aniya, may sapat na pondo ito sa 2021 budget na inaasahng lalagdaan ng Pangulo anumang araw mula ngayon kung saan halos 100% ang itinaas nito mula sa kasalukuyang P9.93 bilyon sa National Expenditure Program naging P19.036 bilyon sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB).
“Marami pa rin sa ating mga kababayan ang nahihirapan dahil nawalan sila ng trabaho na dulot ng pandemya. Kaya dinagdagan namin ang pondo ng DOLE para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD) pati na rin sa Government Internship Program (GIP),” ani Angara.
Ang nasabing ayuda ay inaasahang ipamimigay sa susunod na taon.
-Leonel Abasola