MADALAS talaga, sa “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga, hindi mo maiiwasang umiyak sa bawat episode na ipinalalabas nila, dahil mga personal na buhay ng mga contestants nila ang pinag-uusapan.
Pero iba nga noong Sabado, December 12, dahil mga Dabarkads na nagkaroon ng COVID-19 ang guests nila, sina Allan K, Mama Ten (personal assistant ni Alden Richards), at si Wally Bayola.
Si Allan K, hindi lamang ang COVID-19 ang pinagdaanan niya, dahil early 2020, magkasunod na namatay ang dalawa niyang kapatid (hindi sa COVID- 19), at magkasunod ding nasara ang dalawa niyang comedy bars, ang Zirkoh sa Tomas Morato at Klownz sa Quezon Avenue dahil sa pandemic. Kasunod nga nito severe ang tumama sa kanyang COVID-19 virus dahil may diabetes siya at hinintay na lamang niyang sabihin sa kanyang ‘mamamatay na siya’ dahil na-ICU siya. Ikinuwento rin ni Bossing Vic Sotto na nang ipasok nila si Allan K sa hospital, sinabihan sila ni Pauleen ng doctor na “He doesn’t look good.” Pero kumapit si Allan sa iang verse sa Bible, Exodus 15:26 “I am the Lord that healed thee.” At gumaling na rin si Allan K pagkalipas ng ilang araw.
Iniyakan din ni Alden si Mama Ten dahil na-guilty daw ito ng maging positive sa COVID-19. Paano raw si Alden, marami raw maaapektuhan, mawawalan ng trabaho dahil sa kanya. Kaya madali siyang nagpa-quarantine. Sabi ni Alden hindi raw niya inisip na mawawalan siya ng trabaho, ang inisip niya paano si Tenten na 12 years na niyang nakasama, mahirap daw tanggapin na nagkasakit ito ng COVID-19. Sa awa naman ng Diyos, gumaling si Tenten after ng ilang araw na nag-quarantine siya.
Walang naramdaman noong una si Wally maliban sa dalawang araw siyang sinisinok kaya nag-taping pa raw siya ng show nila ni Paolo Ballesteros at nagpapa-selfie pa siya sa mga fans na walang facemask at face shield. Doon lamang niya nalaman na sintomas din pala ng COVID-19 ang pagsisinok. Iniyakan na ni Wally nang maisip niya ang pangako niya sa nanay niya na aalagaan niya ang ina habambuhay. Napasok din sa ICU si Wally, pero ang pananalig niya sa Diyos ang nagpagaling sa kanya.
Matagal nang gumaling si Wally, pero hindi pa rin siya nakakauwi sa Bicol para bisitahin ang kanyang ina dahil sa mga health protocols na umiiral.
-NORA V. CALDERON