“Mayroon pa rin bagay tayong magagawa hinggil sa budget ng Department of Transportation (DOTr). Ito ay huling baraha,” wika ni House Representatives committee on transportation head Rep. Edgar Sarmiento kaugnay sa kanyang panawagan sa Toll Regulatory Board (TRB) na ayusin ang problema sa pagpapatupad ng electronic toll collection na nagbunga ng grabeng trapik sa mga expressway. Ang kanyang layunin ay alisan ng budget ang TRB kapag hindi nito malunasan ang depekto ng radio frequency identification (RFID) na ginagamit ng mga toll operator sa paniningil ng toll fee. Ang problema, iaasa niya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte kung pakikinggan siya sa kanyang pakiusap na iveto ang budget ng DOTr na nakaalan sa TRB. Pero, pakinggan man siya o hindi ng Pangulo, ang mahalaga lubusan nang gumulong ang laban ng bayan sa RFID na pinangunahan ng tatlong magkakapatid na Gatchalian, sina Mayor Rex at Cong.’Wes ng Valenzuela at Senador Sherwin.
Nitong nakaraang Miyerkules kasi, nagalit na si Mayor Rex dahil sa palpak na operasyon ng RFID na naging sanhi ng pagtigil ng sibilisasyon sa Valenzuela. Kasi naman, ang pitong toll gate sa siyudad ay mistulang nabarahan, kaya hindi makalabas ang mga sasakyan. Dahil naipon sila sa loob ng siyudad, naging parking lot ito. Sa kabila ng panagawan nina Mayor Rex at Cong. Wes sa toll operator para sa Northern Expressway na ayusin ang kanyang RFID system upang maiwasan ang higanteng trapik na ginagawa nito, hindi ito handang sumunod. Kaya, sinuspinde ng alkalde ang business permit ng toll operator at nagdeklara ng toll holiday hanggang sa gumana ng maayos ang sistema.
Samantala, pinaiimbestigahan ni Sen. Win sa Senado ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at toll operators. Pinarerepaso niya ang kapangyarihan ng TRB at pinagre-resign ang pinuno nito. Wika ng Senador: “Kung ako ang tatanungin mo, hindi talaga nagtatrabaho ang TRB. Ang sinumang namumuno nito ay dapat magbitiw at ibigay ang pwesto sa nakakaalam ng tungkulin.”
Bukod sa napakahirap magpalagay ng sticker, dalawang toll operator pa ang kukuhanan mo nito. Magbabayad ka agad ng P500.00, kaya, P1,000 sa dalawang toll operator na hiwalay na namamahala ng express way. Ang P100 sa bawat P500 ay hindi mo na pwedeng magamit. Sa bangko, ang tawag dito ay maintaining balance. Eh ang mga nakarehistrong sasakyan sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon na kinakailangang makabitan ng RFID sticker dahil sila ang hindi makaiiwas na maglakbay sa mga expressway ay 6.1 million. Totoo, ang ibinayad na advance payment maliban sa maintaining balance na P100, ay magagamit ng motorista, pero nasa kamay na kaagad ito ng toll operator at ang hindi magagalaw na bahagi nito na maintaining balance. Napakalaking pera nito. Makapagbubukas pa ng bagong negosyo ang toll operator, o kaya pagkakikitaan nila ito kapag ideneposito sa bangko o kahit sa anong negosyo. Samantala, madadagdag ang ibinayad para sa RFID sticker sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama na ang itinaas nang toll fee at ang pabago-bago presyo ng petrolyo. Buwagin na lang ang RFID system dahil ito ay highway robbery o robbery extortion. Tutal malapit nang malunasan ang pandemya dahil sa ibang bansa, itinuturok na ang gamot para rito bagamat nasa swab testing pa lang tayo na, ayon kay Pangulong Duterte, ngayon pa lang niya napagtanto na epektibo pala ito laban sa pagkalat ng virus. Eh kaya naman naimbento ng mga sakim at gahaman ang RFID ay upang maiwasan ang pagkalat ng salot at makabawi sa ipinangareglo nila kay Pangulong Duterte para hindi nito pakialaman na ang kanilang kontrata sa water distribution.
-Ric Valmonte