Arestado ang isang magkasintahan matapos masamsaman ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P10.2 milyon sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni Lt. Robin Santos, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police, kinilala ang mga nasakote na sina Ernesto Francisco, 49 at Genelyn Mararac, 33, pawang taga- F. Bautista Street, Bgy. Ugong ng nasabing lungsod.
Ayon kay Santos, ilang buwan din nilang minanmanan ang dalawa hanggang sa sila ay maaresto.
Bukod sa shabu, nasamsam din sa kanila ang tatlong cellular phone, personal na gamitan at drug paraphernalias.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
-Orly Barcala