Aminado si Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na nasa 30 porsiyento ng publiko ang nagdadalawang-isip na tumanggap ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sakaling maging available na ito sa susunod na taon.
“Mukhang meron pa rin po talaga. Meron tayong tinatawag na vaccine hesitancy as many as parang 30% of the public, e medyo hindi pa sila sigurado kung gusto nilang magpabakuna,” sinabi ni Domingo, sa panayam sa telebisyon.
Dahil dito, sinabi niya na dapat munang tiyakin ng pamahalaan ang bisa at kaligtasan ng bakuna upang mapawi ang pangamba ng mamamayan.
“Kailangan po nating ipakita sa kanila at ipadama sa kanila ‘yung safety tsaka ‘yung efficacy data ng mga vaccines tsaka yung kahalagahan ho ng pagbabakuna. Hindi po puwedeng pilitin ang taong magpabakuna kung ayaw po niya,” paliwanag ng FDA chief.
Ang Pilipinas ay mayroong 110 milyong populasyon, at target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 60 hanggang 70 milyong katao sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
-Mary Ann Santiago