Hahadlangan at lalabanan ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan bloc ang plano ng gobyerno na idiskuwalipika sila sa paglahok sa halalan dahil sa bintang na sila ay nagsisilbing prente o front ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na kikilos ang pamahalaan upang madiskuwalipika ang mga kongresista dahil sa pagtanggi ng mga ito na kondenahin ang New People’s Army (NPA) sa ginagawang mga karahasan.

“The elections are in 2022, but you can be sure that we will go toward that direction as soon as possible,” ani Esperon, vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ElCAC).

Ang Makabayan bloc, binubuo ng anim na kongresista mula sa Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers at Kabataan, ay pinagbibintangan (red-tagged) o itinuturing na mga komunista at kaaway ng Estado ng NTF-ElCAC at maging ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Nauna nang inihayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, lalabanan nila ang anumang disqualification case na ihahain laban sa kanila.

Ayon pa kay Zarate, mula pa noong Arroyo administration, hindi nagtagumpay ang gobyerno na madiskuwalipika ang Makabayan party list groups sa paglahok sa mga eleksiyon dahil napatunayang sapat ang kanilang mga kuwalipikasyon.

-Bert de Guzman