NANGUNA sa Statistical Points para sa top individual honors ng ginaganap ns PBA bubble si TNT guard Ray Parks Jr.
Base sa inilabas na statistics ng liga, nakalikom si Parks ng 38.3 SP’s mula sa kanyang average na 22.5 puntos, 8.1 rebounds, 3.1 assists at 1.3 steals matapos pamunuan ang Tropang Giga sa una nitong All-Filipino finals appearance makaraan ang pitong taon.
At dahil pawang out na o wala na sa bubble ang mga pinakamahigpit nyang katunggali, nakakalamang na si Parks para sa pangunahing individual award.
Sorpresa namang nakadikit sa kanya bilang pangalawa si Phoenix forward Calvin Abueva, na wala sa top 20 mula sa hanay ng mga kandidato sa pagtatapos ng eliminations.
Nakatipon si Abueva ng kabuuang 37.q SP’s mula sa naiposte nitong average na 15.4 puntos, 11.3 rebounds, 5.2 assists, at 1.7 steals sa loob ng 12 laban na nakapaglaro sya para sa Fuel Masters matapos alisin ang nakapataw sa kanyang indefinite suspension.
Pumapangatlo naman sa kanila si Terrafirma ace guard CJ Perez, ang league leading scorer sa average nitong 24.4 puntos makaraang makatipon ng 35.7 SP’s.
Dati namang namumuno, nalaglag sa ika-4 na puwesto ang kakampi ni Abueva na si Matthew Wright na mayroong 35.6 SP’s.
Samantala sa labanan para sa top rookie, nanatiling nasa 1-2 spot sina Roosevelt Adams ng Terrafirma at Aaron Black ng Meralco.