Nanindigan si House Committee on Justice Chair Gerville Luistro na may kapangyarihan silang magsagawa ng impeachment process laban sa mga opisyal ng gobyerno, partikular kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa naging panimulang pahayag ni Luistro sa muling pagtutuloy ng kanilang pagdinig na kaugnay sa mga impeachment complaint laban kay VP Sara nitong Martes, Abril 14, 2026, nilinaw niyang may dahilan daw kung bakit ang House of the Representatives ang may kakayahang magsagawa ng impeachment process at hindi ang Korte Suprema.
“Kung puro legal na usapin lamang ito, sa Korte Suprema sana ibinigay ang kapangyarihang ito,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kung teknikalidad ang importante, sa husgado sana ibinigay ang kapangyarihang ito. Pero hindi.”
Ani Luistro, ang Kamara daw ang kinatawan ng taumbayan kaya sa kanila ibinigay ang kapangyarihang magsagawa ng impeachment process.
“Ibinigay ito sa Kamara, ibinigay ito sa atin dahil tayo ang kinatawan ng sambayanang Pilipino,” saad niya.
Pagpapatuloy ni Luistro, may eksklusibong kapangyarihan ang Kamara upang pasimulan at magbigay ng direksyon sa proseso ng isang impeachment.
“We have the exclusive power to impeach. Ang ibig sabihin ng exclusive ay malinaw, sa Kamara nagsisimula ang impeachment process, sa atin ang unang galaw, sa atin ang direksyon,” ‘ika niya.
Paghahalimbawa pa niya, hawak daw ng Kamara ang “beat” kagaya ng patok sa mga kabataan ngayong kanta na “Hawak Mo Ang Beat” ng French na si Sylvain Hernandez o mas kilala bilang “DJ Mogo.”
“Kagaya ng sabi ng mga kabataan, hawak natin ang beat, hawak natin ang beat,” anang chairperson.
“Sa kapangyarihang ito, pananagutan sa taumbayan ang dapat manaig. No other considerations must prevail except what is best for the country,” pagtatapos pa niya.
Samantala, dumalo naman sa nasabing pagdinig ng Kamara ang abogado ni VP Sara na si Atty. Michael Poa at sinabi ng huli ng hindi makikiisa ngayong araw ang kaniyang kliyente.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, idiniing Senado lang dapat magsagawa ng impeachment trial!
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, kinumpirma paghahain ng Petition for Certiorari and Prohibition sa SC!