Nagsalita si United States President-elect Joseph Biden hinggil sa COVID-19 pandemic sa isang address to the nation sa gabi ng Thanksgiving Day kamakailan. Nangako siyang gagamitin ang malawak na kapangyarihan ng federal government upang baguhin ang takbo ng virus sa US, kung saan patuloy itong nananalasa at pumapatay ng libu-libong tao kada araw.
“But for that to work,”aniya, “Americans must step up for their own safety and that of their fellow citizens.”
Isa itong obserbasyon na maaaring magamit sa lahat ng mga bansa sa mundo. Maaaring ipatupad ng pamahalaan ang lahat ng uri ng restriksyon ngunit sa huli, tao pa rin mismo ang kailangang humakbang para sa kanilang sariling kaligtasan.
Kumalat na sa buong mundo ang COVID-19 virus at ngayo’y nasa 125 bansa. Matapos matuklasan na may kakayahan ang virus na makalipat mula sa isang tao patungo sa isapa sa pamamagitan ng mga droplets sa paghinga ng impektadong pasyente, nabuo ng World Health Organization ang tatlong pangunahing panuntunan:
--Magsuot ng face mask at, kung maaari, magsuot ng face shield upang maiwasan na malanghap ang anumang virus droplets sa hangin.
--Panatilihin ang distansya na isang metro mula sa kasunod na tao, sa posibilidad na maaaring isa sa mga ito ang carrier ng virus, na maaaring hindi rin batid mismo nito.
--Ugaliin ang maayos at palagiang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, sa posibilidad na nahawakan ang bagay na may virus, at hindi naiwasang mahawakan ang bibig, ilong o mata.
Ito sa Pilipinas ang pinaikli sa basikong tagubilin na “Mask. Hugas. Iwas.”
Sa takdang panahon—marahil ilang buwan pa—isang bagong develop na bakuna ang magpo-produce ng tinatawag na “herd immunity” upang hindi na makahanap ang virus ng mahahawaan nito at dumami at tuluyan nang matapos ang COVID-19 pandemic. Ngunit sa ngayon, nakadepende ang lahat sa tao.
May 11 buwan na ang nakalipas mula ng umusbong ang COVID-19 sa Wuhan, China, hanggang sa magsimula itong manalasa sa ibang mga bansa. Isa ang Pilipinas sa mga unang bansa na nag-implementa ng restriksyon sa galaw ng tao sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at Luzon noong Marso.
Katapusan na ng Nobyembre. Wala tayong access sa isang bakuna na may sapat na dami upang maabot ang “herd immunity” hanggang sa mga susunod pang buwan. Kaya naman sa ngayon, nakasalalay pa rin sa bawat isa ang pagprotekta sa kanyang sarili gamit ang “Mask. Hugas. Iwas,” sa proseso nito ay napoprotektahan din ang lahat sa pamilya, opisina at sa komunidad.
Iniisip marahil ni President-elect Biden ang mga American sa kanyang address to the nation nitong gabi ng Thanksgiving Day. Ngunit ang kanyang pahayag ay para sa lahat ng tao sa mundo, dahil patuloy na banta sa bawat isa ang mapanganib na virus na kumitil na ng milyon-milyong tao sa mundo.