UNITED POC!
PAGKAKAISA ang sentro ng programa ni Cavite Rep. Abraham ‘Baham’ Tolentino sa Philippine Olympic Committee (POC). At kagyat naman itong tinugunan at sinang-ayunan ng karibal na si Clint Aranas.
Magaan na tinanggap ni Aranas, pangulo ng Archery Federation Philippines, ang kabiguan kay Tolentino sa pagkapangulo ng POC at agad senelyuhan ang pakikiisa sa programa ng cycling prexy sa pakikipagkamay hindi pa man opisyal na naipapahayag ang resulta ng isinagawang halalan sa POC nitong Biyernes sa East Ocean Restaurant sa Paranaque.
“The majority decided and it’s my duty to respect the voice of the majority. Iisa lang naman ang layunin namin sa POC yung mapaangat ang kalidad ng sports,” pahayag ni Aranas, dating GSIS president.
“Pero tungkulin din naman namin bilang mga miyembro ng POC na kuwestyunin kung anoman ang sa tingin namin ay mali at kailangan na pagtuunan ng pansin,” ayon kay Aranas, nagsumite ng disqualification kay Tolentino at apat pang opisyal sa POC Comelec bunsod ng isyu na pagtanggap ng allowances sa PHISGOC, ang grupo na nagpatakbo sa nakalipas na 2019 SEA Games sa Manila.
Nakuha ni Tolentino ang 30-22 mula sa 53 national sports associations member.
Hindi man dominante ang panalo, iginiit ni Tolentino na kailangan niyang magtrabaho para patunayan nasa mabuting kamay ang Olympic body.
“Tapos na election, focus na tayo ng todo sa preparation sa Tokyo Olympics. Besides, there are four other major international events tayong sasalihan kaya kailangan nating maihanda ang mga atleta,” pahayag ni Tolentino.
Halos walong buwan nang kanya-kanyang training ang mga atleta bunsod ng ipinapatupad na lockdown dahil sa COVID-19. May request na ang Philippine Sports Commission (PSC) sa Inter-Agency Task Force (IATF) para payagan ang ‘bubble’ training ang Philippine Team.
Kumpiyansa si Tolentino na maitutulak nang walang balakid ang reporma sa POC, higit at tanging si Steve Hontiveros (Chairman) ng handball ang nakalusot mula sa tiket ni Aranas.
Maliban kay Tom Carrasco ng triathlon, naihalal ang mga kaalyado ni Tolentino tulad nina Al Panlilio ng basketball at Richard Gomez ng fencing (first at second vice president); Cynthia Carrion ng gymnastics (treasurer); Chito Loyzaga ng baseball (auditor) gayundin bilang Board member sina Dr. Jose Raul Canlas ng surfing, Pearl Managuelod ng muthai, Charlie Ho, at Dave Carter ng judo. Marivic Awitan