TULAD ng isang ordinaryong ina, ipinagtanggol ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga anak na babae at sinabing walang plano ang mga ito na lumahok sa pulitika kahit ang public service ay naging bahagi na ng kanilang buhay. Ang kanilang ama ay si dating DILG Sec. Jesse Robredo na matagal na naging alkalde ng Naga City.
Ang pagtatanggol ay ginawa ni Robredo kasunod ng pagpapalabas ni presidential spokesman Harry Raoque ng screenshots sa mga tweet ng dalawang anak na babae, na parang nagsasabing hinahanap nila kung nasaan si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) matapos manalasa ang Typhoon Ulysses sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Cagayan, Isabela, Bicol at iba pa.
Sa tweets na ipinakita ng spokesman, nagtatanong si Tricia ng ganito: “Tulog pa rin? Alas otso na. Parang tinugon naman ito ni Aika, eldest daughter ng Bise Presidente ng: “Sabado eh (It’s Saturday). Weekend.”
Gayunman, walang binanggit na pangalan sa tweets nina Tricia at Aika at hindi rin naglalaman ng hashtag #NasaanAngPangulo (where is the president), na naging trending online sa kasagsagan ng bagyo.
“Hindi ako mag-a-apologize sa kanilang mga paniniwala. Kasi itong mga anak ko, lahat ito hindi umasa sa aming impluwensya o pangalan. Kung ano man iyong kanilang na-accomplish dahil iyon sa kanilang hard work,” pahayag ni VP Leni na nagsabi ring hindi niya alam ang naturang mga tweets hanggang ito ay ipalabas ni Roque sa public briefing.
Binigyang-diin niya na ang mga anak ay may sariling relief assistance drives para sa mga biktima ng bagyo, na kung saan ang grupo ng kanyang youngest daughter na si Jillian, ay nakapag-raise ng mahigit P1 milyon at nag-adopt ng isang komunidad sa Pasacao, Camarines Sur, bilang beneficiary.
Katulad ng kanyang mga anak, si Robredo ay malimit atakehin ng mga troll. “Hindi ako magstu-stoop down sa level nila. Hindi ako magstu-stoop down sa kabastusan. Makikita mo naman, Ka Ely, pare-pareho. Iyong magkakakampi, pareho iyong mga values. Magkakasama, lahat bastos. Magkakasama, mga sinungaling”, pahayag sa kanyang Sunday program.”
Nilinaw rin ni VP Leni na ang kanyang tanggapan, ang Office of the Vice President (OVP), ay hindi nakikipagkumpetensiya sa gobyerno.
Batay sa mga report, nagalit si PRRD sa typhoon efforts ng Pangalawang Pangulo at inakusahan siya ng pagsisinungaling tungkol sa kanyang (PRRD) kinaroroonan o whereabouts. Sa kanyang televised address kamakailan, sinabi ng Pangulo kay Robredo: “Do not compete with me.”
Ayon kay Robredo, dahil sa maliit na budget at limitadong kakayahan, ang OVP ay nag-o-operate gaya ng dati sapul nang siya’y maupo sa puwesto noong 2016. “Wala po ditong nakikipag-unahan, kasi hindi naman namin kayang makipag-unahan”. Itinanggi rin niyang hinahanap niya ang Pangulo.
Walang duda, sinisikap ng Pangulo at ng administrasyon na tulungan ang mga Pilipino. Nais niyang makabangon ang ekonomiya at mabigyan ng trabaho ang milyun-milyong Pinoy na nawalan ng hanap-buhay sapul nang sumulpot ang COVID-19.
Umaasa ang sambayanang Pilipino na sa dakong huli ay magkakasundo rin ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo sapagkat ang adhikan nila kapwa ay mabigyan ng magandang buhay ang mga tao sa gitna ng pandemic at kalamidad. Malayo pa ang 2022 kung kaya dapat hindi muna pag-usapan ito. Kailangang makaalpas ang mga Pinoy sa pandemya, maibangon ang lugmok na ekonomiya at muling magkatrabaho ang mga mamamayan.
-Bert de Guzman