BAWAS sa laro, ngunit matindi ang haharaping laban.
Sa ganitong sitwasyon nalagay ang kampanya ng Gilas Pilipinas matapos bawasan ang laro ng Philippine Team, subalit makakaharap nila ang matikas na all-professional Thailand squad sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers.
Binubuo ang Gilas ng mga bata at kulang sa karanasan sa international tournament na mga players, sa pangunguna ni Kobe Paras.
Hindi inilalabas ang final schedule ng mga lafo, ngunit sa pinakahuling post ng FIBA, dalawang beses na sasagupain ng Pilipinas ang Thailand sa Nobyembre 27 at Nobyembre 30.
Magiging mahirap pa rin ang nasabing dalawang laro para sa Gilas lalo pa’t ilan sa kanila ay rookies sa international level.
“We have video, we have an understanding of their basic systems. Obviously, things can change, but we feel like we have a reasonable idea of their personnel, and we have some expectations of the types of systems that they play,” ayon kay Gilas Pilipinas program director Tab Baldwin patungkol sa koponan ng Thailand.
Ayon naman kay Gilas coach Jong Uichico, ang pinakamatinding bentaheng nakikita nya na taglay ng Thailand kontra sa kanyang koponan ay ang chemistry at pamilyaridad ng mga ito sa bawat isa.
Ito”y dahil matagal na silang naglalaro ng magkakasama sa ilang mga torneo kabilang na ang nakaraang 2019 Southeast Asian Games kung saan tumapos silang runner-up sa Pilipinas.
Meron na din silang “established go-to guy” sa katauhan ni Tyler Lamb.
“Ang mahirap lang naman sa Thailand, compared to our Gilas team that is going, mas matagal silang naglaro ng together. Because club team sila eh, they are a club team,” ani Uichico sa panayam dito sa programang “Power and Play.”
“They’ve been together for so long, and through these years, nagi-improve sila. They are a very cohesive unit,” aniya.
-Marivic Awitan