Isang opisyal na pahayag ang inilabas ng Ang Kalasag - Diocesan Shrine and Parish of San Miguel Arcangel kaugnay sa pagkawala ng mga sagradong gamit ni San Miguel Arcangel na natuklasan nitong umaga ng Sabado De Gloria, Abril 4, 2026.
Ayon sa pamunuan ng simbahan, kabilang sa mga nawawalang gamit ang pakpak, kalasag, sibat at espada na pawang yari sa pilak at itinuturing na mahalagang bahagi ng debosyon at kasaysayan ng bayan ng San Miguel sa Bulacan.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng parokya ang kanilang labis na kalungkutan sa insidente at agad na nakipag-ugnayan sa San Miguel Police Station upang maisagawa ang agarang imbestigasyon.
Hinikayat din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa agarang paglutas ng kaso.
Para sa mga taong maaaring may hawak ng mga nasabing gamit, nanawagan ang simbahan na ibalik ang mga ito nang may paggalang sa kabanalan ng mga sagradong bagay. Maaari umano itong iwan nang lihim sa pintuan ng simbahan upang matiyak ang ligtas na pagbabalik ng mga ito.
Bukod dito, hinihiling din ng pamunuan ng simbahan ang panalangin ng bawat isa para sa mabilis na resolusyon ng insidente.
Para sa pagbibigay ng impormasyon, maaari daw magtungo ang sinuman sa opisina ng parokya o sa San Miguel Police Station.
Samantala, narito naman ang buong opisyal na pahayag ng parokya, na ginawa nina RDO P. Avelino Sampana, rektor at kura paroko, at RDO P. Philip Faustino Volante, bikaryo ng parokya.
Minamahal naming mga kaparokya at deboto ni San Miguel Arcangel, sumainyo ang kapayapaan ni Kristo.
Lubos naming ikinalulungkot na ipaalam sa publiko ang naganap na pagnanakaw sa mga sagradong gamit ni San Miguel Arcangel. Natuklasan ang pagkawala ng mga nasabing gamit ngayong Abril 4, 2026 sa ganap na ika-9 ng umaga.
Ang mga gamit na ito ng ating Patrong Sakdal Giting ay ang Pakpak, Kalasag, Sibat at Espada na pawang mga gawa sa pilak. Ang mga ito ay simbolo ng debosyon ng ating bayan at bahagi ng kasaysayan at pananampalataya ng mga taga San Miguel na hindi matutumbasan ng anumang halaga.
Kasalukuyan na po kaming nakikipagtulungan sa San Miguel Police Station para sa agarang imbestigasyon ng insidente. Kami ay nananawagan sa sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa amin o sa mga awtoridad.
Para sa mga taong kasalukuyang may hawak ng mga gamit na ito: Kami ay nagsusumamo na inyong igalang ang kabanalan ng mga ito. Maaari ninyong ibalik ang mga gamit nang lihim sa pintuan ng simbahan. Ang aming hangad ay ang ligtas na pagbabalik ng mga sagradong kayamanang ito.
Hinihiling din namin ang panalangin ng bawat isa para sa mabilis na pagresolba ng sitwasyong ito.
Kaawaan nawa tayo ng Diyos.