Aabot sa may 3.8 milyong customer ng Manila Electric Company (Meralco) ang inaasahang ilang araw na mawawalan ng suplay ng kuryente matapos na sirain at pabagsakin ng bagyong ‘Ulysses’ ang power lines at ilang poste ng kuryente sa kani-kanilang lugar.
Idinahilan ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, malaking bahagi ng kanilang service area ay naapektuhan at nawalan ng suplay ng elektrisidad matapos na mapinsala ang kanilang mga power lines dahil sa lakas ng hangin at ulan na dala ng bagyo.
“As of 5 a.m. aabot sa 3.8 million Meralco customers ang apektado at medyo malawak ang area,” pahayag ni Zaldarriada, sa panayam sa radyo.
Aminado si Zaldarriaga na wala pa silang ideya kung kailan maaayos ang mga naturang pinsala, ngunit maaaring matagalan pa aniya bago maibalik ang suplay ng kuryente sa mga naturang lugar. Sa ngayon aniya ay inaalam pa rin ng kanilang mga tauhan ang laki ng naging pinsala ng bagyo sa kanilang mga pasilidad.
“Sa tingin ko matatagalan. Maraming poste ang na-damage, ‘di ko pa alam kung kailan maaayos.”
Kaugnay nito, umapela rin naman ang Meralco sa mga apektadong residente na tulungan sila sa pamamagitan nang pagre-report ng mga lugar kung saan nananatili pa ring walang suplay ng kuryente.
-Mary Ann Santiago