PALIBHASA’Y may matayog at pantay-pantay na pagpapahalaga sa iba’t ibang media outfit -- lalo na sa ating mga kapatid sa pamamahayag -- hindi maaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi natin kinikilala ang kanilang makabuluhang tungkulin nang nakalipas na pananalasa ng bagyong si Rolly. Sa pamamagitan ng naturang media outfit -- print, broadcast, electronic at social media -- naiparating sa atin ang makatuturang mga impormasyon hinggil sa galaw, hagupit at direksyon ng itinuturing na pinakamalakas na bagyo na dumaluyong sa ating bansa.
Dahil dito, nabigyan ng media ng sapat na babala ang ating mga kababayan upang mapaghandaan ang matinding hagupit ni Rolly. Maging ang ating mga local government units (LGUs) ay nagkaroon ng kanilang panahon upang maihanda ang sapat na panaklolo sa sambayanan, lalo na sa mga lugar na isinailalim sa Signal No. 5. Higit sa lahat, kaagad na isinagawa ang sapilitang paglilikas o mandatory evacuation ng ating mga kababayan.
Nakalulungkot nga lamang na ang kahalagahan ng mga media outfit ay tila ipinagwalang-bahala ng ilang sektor ng pamahalaan. Sa isang pahayag, tila minaliit ng Malacañang, halimbawa, ang mga pagpapakasakit at mistulang pagsuong sa panganib ng ilang grupo ng ating mga kapatid sa pamamahayag; itinuon lamang nito sa isang media outfit ang pagdakila sa kahalagahan ng tungkulin ng mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Hindi ko na tutukuyin ang naturang himpilan ng radyo. Nangangahulugan ba na iisa lang ang grupo na nakatugon sa pandakila ng Malacañang? Hindi ba ito malaking kabalintunaan at kawalan ng pagpapahalaga sa iba pang himpilan na laging kaagapay na halos lahat ng sektor ng komunidad sa pagpapalaganap ng makabuluhang impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan?
Hindi matatawaran ang mga pagsisikap ng ating mga kapatid sa media sa lahat ng pagkakataon -- kalamidad, sagupaan ng mga sundalo at rebelde, Operation Tukhang laban sa mga druglord, users at pushers, at iba pa. Hindi dapat magkaroon ng mga pagtatangi sa pagtupad ng kanilang mga makabayang misyon.
Anupa’t ang tagibang na pagdakila sa mga media outfit, at maging sa mga kapatid natin sa pamamahayag ay hindi malayong magbunsod ng mga pangingimbulo na maaring humantong sa pagkawasak ng magandang government-media relation. Hindi ba ang pamahalaan at mga mamamahayag, tulad ng lagi kong sinasabi, ay marapat na laging magkaagapay sa pagpapalaganap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan?
-Celo Lagmay