Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na tatalakayin pa ng gobyerno kung dapat magkaroon ng mga patakaran sa kung paano ipagdiwang ang Pasko sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Sa isang pakikipanayam sa PTV-4, sinabi ni Nograles na ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ay hindi pa napag-usapan ang bagay na ito.

“Hindi pa po namin napag-uusapan yun. Wala pa tayong rules na ginagawa sa IATF about that. So wala pa po,” aniya.

Samantala, iminungkahi ni Nograles na samantalahin ng mga pamilya at mga magkakaibigan ang magagamit na teknolohiya upang makapagsama-saman sa halip na ipagsapalaran ang kanilang kalusugan upang magkita ang bawat isa sa panahon ng bakasyon.

Probinsya

Binatilyong nanonood ng liga, patay matapos makuryente sa poste ng basketball ring

“Pwede naman mag-Christmas party via online o Zoom or gagamitin natin yung technology o iba’t ibang online platforms para sa ating Christmas get-togethers,” dagdag niya.

Para sa iba pang mga pagtitipon, sinabi ni Nograles na dapat tandaan ng publiko ang iba’t ibang mga dapat gawin at hindi dapat gawin at iba pang mga alituntunin. Gayunpaman, sinabi niyang mas makabubuti talaga kung ang mga ganitong kaganapan ay gaganapin sa online.

“Alalahanin natin itong mga maximum capacities pagdating sa mass gatherings at kung maaari, kung pwede naman, kung pwedeng mag-online, online na lamang para safe po ang lahat,” aniya.

Idinagdag pa ng opisyal ng Palasyo na nais ng gobyerno na ipagdiwang ng publiko ang Pasko nang walang nagkakasakit.

“Siyempre, mas magiging masaya ang Pasko kung walang mahahawa ng COVID,” ani Nograles.

-Argyll Cyrus B. Geducos