Sa unang pagkakataon, hindi na matutuloy ang pinakaaabangang grand procession ng imahe ng Poong Nazareno sa Enero 9, 2021 dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ito’y matapos na magkasundo ang Manila City government at ang Quiapo Church na kanselahin na ang prusisyon upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

Matatandaang milyun-milyong deboto ang lumalahok sa Traslacion ng Nazareno taun-taon kaya’t hindi maiwasan ang pagsisiksikan ng mga ito, na maaaring mauwi sa hawahan ng virus.

Pagdidiin ni City Maor Isko Moreno, ang public health protocols ang dapat na manaig sa religious traditions, lalo na ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic sa lungsod.

Politics

‘Walang loyalty check!' SILG Remulla, wala raw epekto sa LGUs ang presidential bid ni VP Sara

Muli ring nanawagan ang alkalde na iwasan muna ang pagdaraos ng mga parada at prusisyon ngayon.

Samantala, sa panig naman ni Quiapo Church rector Monsignor Hernando Coronel, sinabi nito na magdaraos sila ng maraming misa para sa mga deboto.

“Nagpapasalamat kami sa pagkakataon na narinig ang aming presentasyon para sa Traslacion 2021, at ang mangyayari, napagkasunduan ay hindi matutuloy ‘yung Luneta to Quiapo na may andas na prusisyon. Hindi po matutuloy iyon,” pahayag pa ni Coronel.

“Ang mangyayari po sa January 9 ay patuloy na mga misa, at ‘yung ating mga bikaryo ay ilalagay po natin sa canopy po sa labas ng simbahan,” dagdag pa niya.

-Mary Ann Santiago