BUONG-buo ang paniniwala ko na mas marami pa rin ang matitinong pulis na nasa serbisyo, subalit ang kakarimpot na mga abusadong kasamahan nila – ‘yung kung umasta’y akala mo siga-siga dahil nga kasi may baril na ay may tsapa pa – mismo ang sumisira sa magandang imahe ng Philippine National Police (PNP).
Gaya na lamang nitong isang opisyal ng PNP na may rangong Police Captain at nakatalaga sa Pateros Police – na nagpakita ng kawalang respeto niya sa babae, nang patulan niya ito at saktan – physically – dahil lamang sa isang alitang pang-trapiko.
Grabe ‘di ba? Isa kang kapitan ng napakalaking institusyon ng pamahalaan na ang trabaho ay ipaglaban sa mga nang-aapi ang bawat mamamayan, tapos ikaw pa ang numero unong mananakit sa mga ito – gayung babae pa man din…tindi mo boy!
Sa tagal ko nang nagko-cover sa police beat, tahasang sasabihin ko na ang opisyal na ito ng PNP na nakilalang si Captain Ronald Saquilayan, ay masahol pa sa kagaspangan ng ugali ng mga tambay at sanggano sa mga lansangan, sa ginawa niyang pananakit sa babaing Grab driver na si Florence Norial, 26.
Ano kaya ang gustong patunayan ni Captain Saquilayan sa pananakit niya kay Norial na natamo ng pasa sa ilang bahagi ng katawan, matapos na maisalya sa pamamagitan ng malakas na pagbukas pinto ng kotseng sinasakyan ng barumbadong pulis na ito.
Ang masakit pa sa pangyayaring ito – yung nabugbog at nasaktang babaing driver ng Grab pa ang inaresto – dahil sa mga kasong direct assault, alarm and scandal at disobedience to authority – na pinayagan namang maisampa ng mga imbestigador ng Taguig Police Station.
Aba’y kinampihan agad ng mga imbestigador na ito ang bruskong Kapitan – ni hindi man lamang pinakinggan ang panig ng kaawa-awang babaing Grab driver.
Ganito kasi ang nangyari – papasok sa main driveway ng isang mall sa Taguig city noong Martes ng gabi (October 6, 2020) ang minamanehong kotse ni Norial upang sunduin ang isang nag-booked na pasahero. Napatigil siya sa isang bahagi ng driveway dahil nakaharang ang isang sasakyan na minamaneho naman ni Capt. Saquilayan.
Sa tagal nang pagtigil nito, bumusina at nag-flasher ng makailang ulit si Norial subalit ‘di man lang siya pinansin nito. Marahil ay nainis sa animo nanadyang pagharang ni Saquilayan – na noong oras na iyon ay hindi niya pa alam na isang pulis pala – humingi siya ng tulong sa isang sikyo at magkasamang nilapitan nila ito at makailang beses na kinatok ang pinto ng sasakyan.
Biglang bumukas ang pinto, tumama kay Norial at sa lakas ng pagkakasalya rito ay tumilapon sa bangketa ang nabiglang babae na ikinagasgas ng ilang parte ng katawan nito.
Biglang tayo si Norial na galit na galit at ginantihan ng pananampal ang ginawa sa kanya ni Saquilayan – natural ng reaksyon palagi ng isang babaing nasasaktan – kaya dito na nagpakilalang pulis si Saquilayan.
At ito ang nakapanginginig ng laman para sa akin na ginawa ni Saquilayan – Ipinakuha niya sa kasamang anak ang posas sa kotse, isinalya ang walang kalaban-laban na babaing driver sa pader ng isang establismento sa lugar, ipinosas ng buong higpit – at saka dinala sa Taguig Police Station at doon sinampahan ng kaso!
Mahigit isang araw na ikinulong ang kawawang babaing driver na hindi man lang pinakinggan ng mga humawak sa kaso ang kanyang reklamo.
Para tuloy lumalabas na si Norial lang ang may kasalanan – at si Saquilayan, dahil isang opisyal ng PNP ay ‘di na dapat imbestigahan at kasuhan!
Kakayanin kaya itong masikmura ng mga magigiting na opisyal ng PNP – kumilos po kayo bago masira ng isang “bulok na kamatis ang buong kaing ng kapulisan” natin sa ngayon.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.