UMABOT sa 91 porsiyento ang performance rating (approval at trust ratings) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia. Siya ang may pinakamataas na approval at trust ratings sa hanay ng limang top government officials sa kabila ng mga batikos at bira sa umano’y palpak na paghawak ng administrasyon sa COVID-19 pandemic.
Sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre 14-20, lumabas na nagtamo ang Pangulo ng approval rating na 91%, tumaas nang apat na puntos mula sa 87% nitong nakaraang Disyembre. Ang nag-disapprove sa paghawak niya sa pandemya ay limang porsiyento.
Lumabas din sa Pulse Asia survey na 91% ng mga Pilipino ang nagtitiwala kay PRRD, tumaas nang 8 puntos mula sa 83%. Tatlong porsiyento lang ang walang tiwala sa Pangulo.
Samantala, si Vice Pres. Leni Robredo ay tumanggap ng approval rating na 57%, bumagsak ng isang punto mula sa 58%. May 22% ang nagsabing hindi sila kumporme sa performance ni VP Leni. Ang pagtitiwala o trust ng mga tao kay Robredo ay bumagsak din sa 50% mula sa 53%.
Nanatili ang approval rating ni Senate Pres. Vicente Sotto III sa 84 porsiyento. Tumaas ang kanyang trust rating ng isang punto samantalang ang kanyang disapproval score ay tumaas nang isang punto at naging anim na puntos.
Si Speaker Alan Peter Cayetano ang lumasap ng pinakamalaking pagbagsak sa approval rating, naging 70% mula sa 80%. Ang kanyang trust rating ay bumagsak mula sa 76% at naging 67%.
May 44 porsiyento ng mga Pilipino ang nag-aproba sa performance ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta. Ang kanyang trust rating ay 39% samantalang 13% ang distrust score.
Ikinatuwa ng Malacañang ang mataas na approval at trust ratings ni Mano Digong. Nagpasalamat ito sa mga mamamayan samantalang ang mahinang performance rating ni VP Leni ay bunsod daw sa kanyang “pamumulitika.”
Kung kayo ay naniniwala sa mga survey-survey na ginagawa ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS), talaga ngang matutuwa ang Palasyo ng Malacañang. Para sa akin, hindi ako masyadong naniniwala dahil hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakapanayam o natatanong man lang ng SWS at ng Pulse Asia.
Mainit pa rin ang labanan sa Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) tungkol sa isyu ng liderato sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco. May term-sharing ang dalawa na ang namagitan ay si PRRD.
Sa kasunduan, hahawakan ni Cayetano ang speakership sa loob ng 15 buwan at papalitan ni Velasco na hahawak sa renda ng Kapulungan sa loob ng 21 buwan. Ayon sa mga balita, hiwalay na nakipagkita sa Malacanang sina Cayetano at Velasco para makausap ang Pangulo.
Habang sinusulat ko ito, hindi pa alam kung sino ang papanigan ng Pangulo upang maging Speaker ng Kamara. Si Cayetano ay nakatakdang bumaba sa Oktubre 14 tulad ng napagkasunduan, pero iginigiit ng alyadong mga kongresista na manatili siya sa puwesto dahil maganda at mahusay ang pamamahala niya sa Kamara.
-Bert de Guzman