NITONG Miyerkules, nag-alok na magbitiw si Speaker Alan Peter Cayetano, pero sa botong 184-1 at 9 abstention, tinanggihan ito ng mga Kongresista. Sa araw na ito sana magkakabisa na ang kanyang term-sharing agreement kay Marinduque Rep. Lord Velasco. Sa kasunduang ito na nabuo sa pamamatnugot ni Pangulong Rodrigo Duterte, magsisilbing Speaker si Cayetano sa unang 15 buwan at si Velasco, sa susunod na 21 buwan. Kaya, kung matino at lalaki itong nakipagsundo, ang dapat na ginawa na lang niya ay inilipat kay Velasco ang speakership. Eh, ipinadaan pa niya sa botohan sa pagsasabi na: “Ang kapalaran ko at kapalaran ng 2021 budget at liderato ng Kamara ay nasa inyo nang kamay.” May Kongresista tuloy ang naghayag na tapos na ang isyu ng Speakership dahil sa naganap na botohan at ibinabasura na ang term-sharing agreement na tinawag pa ng Pangulo na gentlemen’s agreement.

ng gulong ito na nangyayari sa Kamara ay isa lamang sa mga bagay na nagpapakita kung anong uri pinatatakbo ng Pangulo ang gobyerno. Sa kanya tumatama ang nangyayaring ito. Tinawag niyang gentlemen’s agreement ang kasunduan nina Cayetano at Velasco, pero nagagawang hamakin at sirain ito ni Cayetano. Sa kabila nito, nanatiling tikom ang kanyang bibig, eh bahagi siya ng nasabing kasunduan. Kapag nagtagumpay si Cayetano, hindi lang ito ang marunong tumupad sa usapan kundi maging siya. Kasi, naman may pinaghuhugutan si Cayetano at ito ang halimbawa na mula’t sapul na manungkulan ang Pangulo ay wala rin siyang isang salita. Pabagu-bago ang kanyang sinasabi. Iba ang kanyang sinasabi sa kanyang ginagawa. Inamin na niyang hindi niya malulutas sa loob ng kanyang termino ang problema ng droga. Kamakailan, inamin niyang mahirap masawata ang kurapsyon na laganap na sa pamahalaan. Samantalang sa dalawang isyung ito umikot ang programang inihayag niya sa taumbayan na kanyang wawakasan. Talagang hindi niya matutupad ang kanyang ipinangako, kasi ang dalawang programang ito na laban sa droga at kurapsyon ay mga biktima ng kawalan ng katuparan sa kanyang sinasabi, pabagu-bago at iba ang ginagawa. Kasama rin dito ang napakahalagang isyu ng pagaagawan at pagaangkin ng China sa teritoryong ng bansa na West Philippine Sea.

Ayon kay Cong. Leachon, ang kampo ni Velasco ay hindi nababahala sa dami ng botong sumusuporta sa ngayon kay Cayetano. Pero, aniya, si Pangulong Duterte, kapag ito ay nagsalita at iginiit na ang kasunduan, ay katumbas pa ng mahigit sa botong nasa likod ni Cayetano. Pero, bakit atubiling magsalita pa ang Pangulo. Kasi, masyadong tuso si Cayetano at sa pagkapit tuko niya sa posisyon, sukat ba namang iniangkla niya ang isyu ng Speakership sa pagpasa ng budget. Kung paano gagalaw ang Pangulo sa isyu ng term-sharing agreement ay depende kung may pananalig siya sa kakayahan ni Velasco na ipaglaban at maipasa ang budget. Iniisip din niya na kapag nagpalit ang Speaker eh maapektuhan ang budget at ang malaking pondong nakalaan para sa kanyang opisina. Pera, pera lang ang nakataya sa pagka-Speaker.

-Ric Valmonte