MARAMI ang hindi sang-ayon sa pahayag ni Ombudsman Samuel Martirez, dating Supreme Court Associate justice, na naglilimita o nagbabawal sa paglalantad ng SALN (Statement of Assets, Liabilities and Network) ng mga opisyal ng gobyerno sapagkat ito umano ay maaaring magamit lang sa paghihiganti o panghihiya sa mga kalaban.
Sinabi ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong Huwebes na ang inisyung guidelines o alituntunin ni Martirez na naglilimita sa publiko at media sa wealth declarations ng mga opisyal ng gobyerno ay salungat sa mandato ng ahensiya (The Ombudsman Office).
Ayon sa may “balls” na dating Ombudsman at dati ring SC Associate justice, nais niyang payuhan ang humalili sa kanya (Martirez) na sundin nang letra por letra ang mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ang Code of Ethics.
Noong Miyerkules naman, sinabi ni Lawyer Chel Diokno, founding dean ng De La Salle University College of Law, na lumalampas na sa kanyang awtoridad si Martirez dahil sa paghihigpit sa access ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng mga pinunong pambayan.
Maging si dating Sen. Joey Lina na may akda ng RA 6713 ( A Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees”, ay tinawag ang bagong guidelines ni Martires na “maliwanag na paglabag” sa batas.
Naniniwala si Lina na ang paghihigpit na makita ng mamamayan, media at iba pa ang SALN ng mga opisyal ng pamahalaan ay unconstitutional. “Ombudsman Martires has his own motivations in issuing that memorandum. I think he misread the law,” ayon naman kay Caprio-Morales.
Ipinagtanggol ni Martires ang kanyang desisyon na limitahan ang access sa deklarasyon ng kayamanan dahil ang SALNs ay ginagamit umano na sandata o “weaponized” laban sa mga kalaban sa pulitika at nagkakaroon ng pahiwatig o “innuendo” sa mga report kapag ang net worths ng mga opisyal ay lumaki o dumami.
Ipinaliwanag pa niyang may probisyon sa RA 6713 na nagbabawal na gamitin ang wealth declaration documents na “contrary to morals or public policy.” Sa kasunod na probisyon, gayunman, isinasaad na may pagbabawal sa pagkuha ng SALNs maliban sa news and communications media para sa desiminasyon sa pangkalahatang publiko.
Ganito ang matatag na pahayag ni Carpio-Morales: “RA 6713 is not confusing to me. If he feels that a request for SALN is being weaponized, then that is the concern of the politician. But no one can refuse a SALN request if it doesn’t go against morals or public policy”.
Dahil sa memorandum na inisyu ni Martires, ang mga mamamayan o ang media na nag-request para sa kopya ng isang public official’s SALN ay kailangan munang kumuha ng isang notarized letter of authority mula sa kinauukulang opisyal. Ayon pa rin sa chief graft buster (Ombudsman), hindi nagsasagawa ng lifestyle checks ang kanyang tanggapan sa public officials dahil wala siyang nakikitang “lohika” sa likod nito.
Hindi makapaniwala ang dalawa kong kaibigan sa Kapihan, sina palabiro-sarkastiko-pilosopo at Senior jogger sa pagbabawal ni Martirez na buksan ang SALN ng mga opisyal. Ano raw ba ang ikatatakot kung bulatlatin man ang kanilang SALN kung wala silang “nakaw na yaman” o “yamang nanggaling sa maruming kaparaanan.” Aba, may katwiran ang dalawa. Sige ituloy natin ang pag-inom ng kape.
-Bert de Guzman