Walang nakikitang pangangailangan ang Commission on Elections (Comelec) para i-postpone o ipagpaliban ang May 9, 2022 presidential elections.
Ito’y kahit posibleng hindi pa tapos ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa pagsapit ng nasabing panahon.
Ipinaliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang pagdaraos ng halalan ay nakasaad sa Saligang Batas at hindi ito maaaring basta na lamang ipagpaliban o palitan.
Nauna rito, sa isang budget hearing sa House of Representatives nitong Huwebes ay iminungkahi ni Deputy Majority Leader Mikey Arroyo sa Comelec na ikonsidera ang pagpapaliban ng halalan dahil na rin sa health at safety concerns ngayong may COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Jimenez, “Atas ng Constitution ‘yan (election), hindi ‘yan basta-basta mapapalitan. At this point we don’t see a need for it (postponement), hindi nakikita ‘yung pangangailangan.”
Ayon pa kay Jimenez, ang pinaghahandaan nila sa ngayon ay ang isang eleksiyon sa 2022 na mayroong pandemya at wala pa ring epektibong distribusyon ng mga bakuna laban sa COVID-19.
Ilan aniya sa napagkasunduan ng mga opisyal ng Comelec upang tiyaking ligtas ang pagboto ay palawakin ang alternative voting method, gawing online ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato at i-require ang mga botante na magsuot ng face shield at face masks sa kanilang pagboto.
-Mary Ann Santiago