NAGDESISYON si Pangulong Duterte na mainam na panatilihin na lamang ang one-meter rule sa physical distancing sa mga pampublikong transportasyon. Pinayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mas maikling distansya na .75 metro upang mas maraming tao ang maisakay sa mga pampublikong transportasyon. Ngunit nagdesisyon ang Pangulo na panatilihin ang isang metrong layo para sa interes ng kalusugan ng publiko.
Matutukoy ang panuntunan ng distancing mula sa pananaliksik noon pang 1930s. Nalaman ng mga mananaliksik na ang patak o droplets ng likido na inilabas sa pag-ubo o pagbahing ay mabilis na natutunaw o bumabagsak sa lupa sa loob ng isa hanggang dalawang metro. Higit pang pinagtuunan ang pag-aaral matapos ang pagkalat ng COVID-19 nitong unang bahagi ng taong ito at isang pag-aaral na inilimbag sa United Kingdom ang nagsabing hindi bababa sa isang metro mula sa ibang tao ang pinakamainam na paraan upang malimitahan ang posibilidad na mahawa. Nasa 13 porsiyento ang tinatayang risk sa isang metrong layo, ngunit tatlong porsiyento lamang kung lampas sa nasabing distansya.
May iba’t ibang panuntunan ngayon ang mga bansa hinggil sa distancing. Sinasabing isang metro ang ipinatutupad sa China, Denmark, France, Hong Kong, Lithuania, at Singapore; 1.4 metro sa South Korea; 1.5 metro sa Australia, Belgium, Germany, Greece, Italy, Netherlands, Portugal, at Spain; 1.8 metro sa United States; at 2 metro sa Canada at UK.
Ito naman ang payo ng World Health Organization (WHO): “Maintain at least one meter (three feet) between yourself and others. Why? When someone coughs, sneezes, or speaks, they spray small liquid droplets from their nose or mouth which may contain virus. If you are too close, you can breathe in the droplets, including the COVID -19 virus if the person has the disease.”
Ginagamit natin ang one-meter rule na ito mula sa WHO bilang bahagi ng ating protocol laban sa COVID-19, kasama ng paggamit ng face masks, pag-iwas na hawakan ang ibang tao gayundin ang mga bagay o surfaces tulad ng doorknobs, at ang palagiang paghuhugas ng kamay.
Makalipas ang anim na buwan ng pagpapatupad ng iba’t ibang lebel ng lockdown, sinisimulan na nating luwagan ang restriksyon, sa pagpasok ng mas maraming mga tao sa kanilang trabaho sa pagbubukas ng mga negosyo at opisina. Naisip ng IATF na paluwagin ang social distancing rule sa mga pampublikong transportasyon, ngunit nagkaroon ng mga pagkontra na pinakinggan naman ni Pangulong Duterte.
Upang masolusyunan ang problema ang kakulangan ng transportasyon, mas mainam na payagan ng IATF ang mas maraming transportasyon, tulad ng mga jeepney sa Metro Manila na nananatiling sarado ang mga ruta. Hanggang sa ngayon, maraming jeepney driver ang makikitang namamalimos mula sa mga nagdadaang motorista sa maraming kanto ng lansangan.
Nitong nakaraang Miyerkules, sa unang pagkakataon sa kasaysayan nito, nasa 21 bagon ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang bumiyahe, mula sa hinahangad na 24 na bagon—upang makatanggap ng mas maraming biyahero habang inoobserba ang panuntunan sa physical distancing kasama ng paggamit ng face masks at face shields, hindi pakikipag-usap sa ibang pasahero o sa anumang digital device.
Nanatili pa rin sa atin ang COVID-19, tulad sa marami pang ibang mga bansa sa mundo. Kahit pa unti-unti na nating niluluwagan ang mga restriksyon sa pagbubukas ng ating ekonomiya, mabuting panatilihin ang dati nang maaasahan na one-meter distancing rule.