MALIBAN kung mababago ang pinaikling physical distancing sa mga sasakyang pampasahero -- mula sa isang metro na ginawang .75 meter o dalawang piye at kalahati -- naniniwala ako sa pangamba ng mga health care expert mula sa University of the Philippines (UP) at ng mismong pamunuan ng Department of Health (DOH): Madadagdagan ng halos 700 ang tatamaan ng nakamamatay na COVID-19 araw-araw. Ibig sabihin, lalong hindi magaganap ang inaasam nating ‘flattening of the coronavirus curve’; at lalong titindi ang takot at agam-agam sa posibleng paghahawahan ng mga pasahero. Isipin na lamang na pagkaraan ng isang linggo, ito ay muling paiikliin upang maging isang piye at kalahati na lamang; pagkaraan ng isa pang linggo, ito ay maaring isang piye na lamang -- halos magkakadikit na ang mga mananakay.
Bagama’t hindi isang health care expert, naniniwala ako na walang lohika ang implementasyon ng naturang bagong patakaran na sinasabing inaprobahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa COVID-19. Produkto ito ng mistulang pagtuturu-turuan ng ilang miyembro ng Gabinete ng Duterte administration na maliwanag na nagkaroon ng magkakaiba at magkakasalungat na pananaw hinggil nga sa pagpapaikli ng nakagawian na nating social distancing.
Isinasaad sa mga ulat na iminatuwid ni DOH Secretary Francisco Duque lll, halimbawa, na hindi niya kinakatigan ang nasabing patakaran; idinugtong na hindi siya kaharap nang iyon ay pagtibayin. Sa nasabing pagpupulong, tahasang ipinahiwatig ni Secretaray Eduardo Año ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang nabanggit na panukala ay itinaguyod ng Department of Transportation (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Art Tugade. Tinukoy naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang paninindigan ng naturang mga opisyal na maaring naging batayan ng IATF upang ipatupad ang gayong regulasyon.
Sa gayong situwasyon, nais kong itanong: Nais kaya ng nabanggit na mga opisyal na lalo pang pabigatin ang problema hindi lamang ng gobyerno kundi lalo na ng sambayanan tungkol sa pagsugpo ng paglaganap ng coronavirus? Na lalo pang lumobo ang bilang ng mga positibo sa nasabing salot at dumami ang mga namamatay?
Pinaiikli ng mga awtoridad ang one-meter physical distancing sa Pilipinas samantalang ito ay pinananatili at nais pang pahabain sa ibang bansa sa layuning ganap nang mapuksa ang nasabing salot. Lalo pa nilang hinihigpitan ang pagpapatupad ng health care protocol para sa kalusugan ng kanilang mga mamamayan.
Ang gayong mga patakaran ang dapat nating sundin at hindi ang produkto ng pagtuturuan ng ating mga lingkod ng bayan na dapt manguna sa kaligtasan ng taumbayan sa nakakikilabot na mikrobyo.
-Celo Lagmay