SA paglulunsad ng Kongreso ng malawakang imbestigasyon nitong nakalipas na mga buwan, sa kabila ng pananalasa ng pandemya na sumusubok sa sistemang pangkalusugan ng ating bansa, ang dahilan kung bakit tinawag ang kapulungan na ‘House of Rips.’
Ang malawakang pagsisiyasat, mula sa prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa iskandalo ng PhilHealth, ang nagpatutok sa bansa. Sa kabila ng mga kontrobersiyang sumusubok sa imahe nito, pansamantala, nabawi nang bahagya ng Kongreso ang nawala rito sa usapin ng integridad.
Ngunit hindi ito naging madali tulad ng inaasahan ng ilang miyembro ng Kongreso. Sa debate ng Bayanihan 2 bill na nilagdaan kamakailan ng Pangulo, ang Kamara, na halos dumating na sa puntong maglabas ng armas, ay dinepensahan ang kanilang bersiyon ng panukala. Higit pa itong nangibabaw nang ipagpilitan ng ilang kongresista ang pag-apruba ng P10 bilyon para sa tourism road construction, na kataka-taka sa panahong kinakailangan ang paglalaan para sa bakuna at personal protective equipment.
Hindi nangangailangan ng isang siyentista upang maunawaan kung bakit isinulong ang isang hangal na panukala. Sa pananaw ng ordinaryong tao, walang dudang ang
tourism infrastructure budget na isinulong sa pandemic bill ay may kinalaman sa suhol. Tanging sa pamamagitan ng paninindigan ng Senado, na isinuko ang halos sampung porsiyento ng orihinal na panakula upang pakalmahin ang mga nasa Kamara, ang nagsalba sa mga Pilipino.
Kabalintunaan ng baluktod na panukalang ito sa imprastraktura, ang pamahalaan, na lubog na sa utang na halos umaabot na sa P10 trilyon, ay kinakailangan pang muling mangutang ng salapi upang pondohan ang Bayanigan 2 law. Na nangangahulugang, sa kabila ng kinakaharap na paghihirap sa salapi ng bansa, nagbibingi-bingihan ang mga ‘kagalang-galang’ na mga mambabatas ng Kamara sa sintemyento ng publiko.
Sa kasaysayan, kapag nalalapit na ang debate sa pagtatanggal ng isinisingit na pork barrel, ilang mambabatas sa Kamara ang nagsisiraan at walang kahihiyang inilalantad ang kanilang tunay na pakay. At kapag sinisimulan nang hubaran ng mga taong nasa ‘upright status’ ang kanilang mga kasamahan sa laban upang makakuha ng kanilang bahagi sa komisyon, ang masamang usapin ay humahantong sa nakabibiglang isyu.
Nito lamang nakaraang linggo, kinontra ni House speaker Alan Peter Cayetano, ang kanyang pahayag na ang Kamara ay malaya sa anumang panlabas na impluwensiya, nang ideklara nito na sa halip na kilalanin ang napagkasunduang term-sharing kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ay susunod siya sa desisyon nang anumang ‘takeover’ sa kagustuhan ng Palasyo.
Sa makatuwid, ang House speaker, na hindi pa naipapaliwanag ang mga kondisyong nakapaloob sa eksplosibo at mamahaling cauldron na ginamit sa 2019 Southeast Asian Games, ngayon ay umaaming ang Kamara, sa pagtalikod sa dapat nitong independesiya, sa katunayan ay tagasunod lamang ng Ehekutibo.
-Johnny Dayang