NAKATAKDANG magsagawa ng kauna-unahang drafting ang Women’s National Basketball League (WNBL).
Naging isang ganap na professional league kamakailan matapos aprubahan ng Games and Amusement Board, inihayag ng WNBL na magsasagawa sila ng draft para sa mga bagong players sa Oktubre.
Ang mga application forms para sa draft ay ipu-post online dahil sa kasalukuyan pa ring dumaranas ang bansa ng coronavirus health crisis.
Nagsimula at inilunsad ang WNBL noong isang taon bilang isang amatuer league tampok ang pitong koponan na pinangungunahan ng inaugural champion Philippine Air Force.
Ngayong isa ng ganap na professional league, ang WNBL ang siyang magiging pangunahing destinasyon para sa mga kababaihang basketbolista ng bansa pagkatapos ng kanilang collegiate career.
Kabilang sa nagpahayag ng interes na maglaro sa unang women’s professional basketball league ay sina dating UAAP champions Afril Bernardino at Jack Danielle Animam.
Marivic Awitan