SINIMULAN ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3, ang unang professional 3x3 league sa bansa, ang unang hakbang para sa kanilang planong pagbabalik aksiyon.
Mula nitong Lunes, mayroon ng pitong koponan ang pumailalim sa unang polymerase chain reaction (PRC) testing sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City.
Sumalang ang Zamboanga City Family’s Brand Sardines, Zamboanga Peninsula Valientes, Gapan Chooks ay Bacolod Master Sardines ay pumailalim sa testing noong Lunes habang ang Nueva Ecija Rice Vanguards, Pasig-Sta. Lucia Realtors, Palayan City Capitols at Porac-Big Boss Cement Green Gorillas ay nitong Miyerkules. Ang iba pang nalalabing mga koponan na Bicol Volcanoes, Sarangani Marlins, Val City Classic at isang piling koponan ay magpapa-test ngayon at sa darating na Lunes.
“Nagkaroon kami ng staggered testing. Yesterday, four teams tested then today we had another four teams. So staggered din ‘yung pag-practice ng teams,” pahayag ni league commissioner Eric Altamirano.
Maliban sa Valientes, ang unang batch na nagpa-test ay nakapag-ensayo na noong Miyerkules sa UP Epsilon Chi Gymnasium sa Quezon City. Unang nag-ensayo ang mga manlalaro ng Bacolod na sina Alfred Batino, Anton Asistio, Chris Lalata, Robin Rono at Choi Ignacio na sinundan ng Zamboanga Family’s Brand Sardines na binubuo nina national team members Joshua Munzon at Alvin Pasaol, Santi Santillan at Troy Rike bago ang Gapan Chooks squad nina Franky Johnson, Chris De Chavez, Karl Dehesa, JR Alabanza at Chico Lanete. Tuwing pagkakatapos ng ensayo ng isang team ay dini-disinfect muna ang court bago magsimula ang susunod na gagamit nito. Bawat ensayo ay binabantayan at pinangangasiwaan nina coach Eric A l t a m i r a n o kaagapay si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Bago pumasok sa court ay muli silang isinailalim sa rapid test at nagpatala sa GET Philippines’ contact-tracing app.
“We would like to thank my alma mater University of the Philippines for offering their venue to us and, of course, GET Philippines,” ayon kay league owner Ronald Mascariñas.
Sa ngayon ay pinaghahandaan ng liga ang target nilang opening sa Oktubre 2 ng kanilang President’s Cup na idaraos sa Inspire Academy Calamba, Laguna kung mabibigyan ng pahintulot.
-Marivic Awitan