Saaking pagsubaybay sa Senate hearing kaugnay ng sinasabing talamak na anomalya sa PhilHealth, hindi ko napigilang naibulalas: Talamak nga ba ang katakawan? Isipin na lamang na umugong sa Senado: 15 bilyong piso ang umano’y kinulimbat ng binansagang ‘mafia’ sa naturang ahensiya ng gobyerno.
Dapat lamang asahan ang gayong kagyat na reaksiyon na may kaakibat na panggagalaiti ng sambayanan, lalo na sa katulad kong hindi miminsang inalalayan ng PhilHealth sa aking pagpapaospital; isinugod sa isang ospital dahil sa mild stroke, profuse stomach bleeding, at iba pang karamdaman. Malaki ang iginaan ng aking bayarin, bukod pa sa malaking diskuwento bilang isang senior citizen.
Hindi pa maliwanag, kung sabagay, na talamak nga ang mga pandarambong sa PhilHealth. Maliban sa kabi-kabilang pagtuturuan ng mga pinagbibintangang mga kasangkot sa anomalya, inuugat pa ng Senado ang katotohanan; tintimbang ang bigat ng testimonya ng mga opisyal ng nasabing ahensiya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na ang PhilHealth officials ay isinalang sa matinding pagdinig sa Senado dahil din sa sinasabing masalimuot na dialysis issue. Gayunman, hindi ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang naturang congressional investigation.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang situwasyon, ayaw kong maniwala na talamak ang katakawan sa PhilHealth. Higit na nakararami pa rin ang mga tauhan nito na hindi lamang huwaran sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin kundi may matinding pag-iingat na masangkot sa katiwalian, lalo na sa pangungulimbat sa salapi ng bayan. Hindi sila dapat madamay sa mga pagmamalabis ng mga tiwali na wala nang inatupag kundi kulapulan ng kurupsiyon ang nasabing tanggapan.
Anupa’t marapat lamang paigtingin pa ng Senado ang pag-uusig sa mga opisyal na isinasangkot sa PhilHealth scandal, at maaaring sa iba pang ahensiya na ginigiyagis din ng mga katiwalian -- tulad ng Department of Health (DOH) at iba pa. Walang karapatang mamalagi sa kanilang tanggapan ang mga pinuno na pabigat na sa gobyerno ay mga pasimuno pa sa pagsaid ng pondo na nakaukol sa taumbayan.
Sa sandaling matuklasan ng Senado ang katotohanan sa isinasagawang pagdinig, naniniwala ako na hindi mahihirapan si Pangulong Duterte sa pagtigbak sa naturang mga PhilHealth officials. Malimit ipahiwatig ng Pangulo: ‘A whiff of corruption is enough’. Ibig sabihin, ang bahagyang halimuyak o amoy ng anomalya ay sapat na upang sibakin ang sinumang isinangkot sa alingasngas, lalo na nga kung may sapat na mga ebidensiya.
-Celo Lagmay