PURO indoor shooting muna ang gagawin ni Vice Ganda para sa bago niyang online show na Gabing-Gabi na Vice na mapapanood sa The Vice Ganda Network simula sa Hulyo 24, Biyernes base sa kuwento niya sa ginanap na mediacon gamit ang Zoom app nitong Lunes, Hulyo 20.
Dahil sa banta ng COVID-19 pandemya ay susunod si Vice kasama ang mga staff niya sa health protocols at gagawin ang shoot sa dalawang bahay niya.
“’Yung ibang kuwarto sa bahay ko (exclusive subdivision), ginawa na naming studio doon magaganap ‘yung streaming tapos ‘yung isang townhouse ko (malapit sa ABS-CBN), doon naman kami magso-shoot ng sitcom.
“Hindi pa for now ang shoot sa outdoor kasi hindi rin safe at very limited pa kasi ang galawan ngayon. Like ‘yung ibang staff ko, naka-work from home rin naman sila so puro connections thru online rin lang ang ginagawa nila,” kuwento ng TV host.
Kailangan pa ba ng direktor sa bagong Gabing-Gabi na Vice, “sa ibang content kailangan ko, pero sa GGNV kailangan ko lang ng technical staff, writer, researcher para sa pre-interview sa guest. Saka live naman ang gagawin namin sa GGNV,” say ni Vice.
Ang Gabing-Gabi na Vice ay kuha sa programa niyang Gandang Gabi Vice sa ABS-CBN at hindi naman sila magkaka-problema sa kung pareho ang konsepto dahil ang mismong Kapamilya network ang nagpayong humanap siya ng ibang platform dahil sayang kung tuluyan itong mawawala. Sa madaling sabi ay may basbas siya.
“Ngayong naka-lockdown at lahat kayo’y nasa bahay sabi ni Tita Cory (Vidanes) you still have to find the way to reach out to your audience. Hindi kayo puwedeng mawala sa kamalayan nila at hindi puwedeng hindi n’yo ma-serve yung purpose na sine-serve n’yo dati sa kanila. So, the only way is through digital and a lot of people migrated to digital,”pagtatapat ng TV host.
Ang pinaka-main objective raw ni Vice para itinuloy sa online ay para mapalapit sa audience at bigyan ng trabaho ang kapwa Kapamilya na nawalan ng trabaho sa ABS-CBN dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang nasabing network.
“Ang vision ko lang talaga is very simple, very basic to serve my purpose. To make the people happy, to make my audience happy. Yon ang dapat lagi kong maging compass sa lahat ng gagawin ko,”sambit ni Vice.
Nang ilagay sa Enhance Community Quarantine ang buong Metro Manila ay naisip na niya ang comedy bars dahil nawalan ng trabaho ang mga kaibigan niyang stand-up comedians.
“Most of them ay mga anak-anakan ko. Hindi puwedeng hahayaan ko lang silang ganun, so naisip ko to para mabigyan ko sila ng platform na makapag-perform pa ulit, bukod sa nagagawa nila yung passion nila, karagdagang kita para sa kanila.
“Awang-awa ako sa mga bakla. Ang dami sa kanila ang down na down at depressed na depressed. Sobrang nag-aaala ako para sa kanila at isa itong paraan para maiahon ko sila do’n sa kawalan ng pag-asa, na hindi na nila magagawa yung pagpapatawa na mahal na mahal nila,” paliwanag ng TV host/actor/producer.
Dagdag pa, “Hindi pa man nagkakaroon ng problema ang ABS-CBN na-hit talaga ang mga komedyante. ‘Yung live performances nawala. Ang mga comedy bars nagsara at hindi ko makitang magbubukas sila anytime soon dahil hindi rin naman puwede yung gatherings ng mararaming tao. So, nawalan ng hanapbuhay ang napakaraming komedyante at ang sakit-sakit sa puso ko no’n.
Magkatuwang ang ABS-CBN at Viva sa ginawang concept ni Vice para sa online show niya.
“Marami naman akong nakuhang advice, marami naman akong nakuhang support mula sa iba’t ibang tao. Si Boss Vic (del Rosario) isa na diyan, yung management ko rin sa ABS-CBN gina-guide din naman nila ako kung paano ang gagawin at saka I am so blessed because I have been given the opportunity to work with so many brilliant people in ABS-CBN.
“Ang dami kasing napakahuhusay na tao sa ABS-CBN na in one way or the other may naituro sa akin, ang dami nilang naituro actually. Yung mga nakatrabaho ko sa ABS at sa Viva sobra silang generous na i-share yung wisdom, i-share yung kaalaman nila, kaya ang suwerte-suwerte ko kasi napapaligiran ako ng mga pinaka-mahuhusay na tao sa industriya kaya alam kong hindi ako maliligaw,” paliwanag pa.
Para mapanood ang mga palabas sa Vice Ganda Network ay kailangang mag-log on sa www.viceganda.com.ph.
Nagsimulang mabuo ni Vice ang The Vice Ganda Network nu’ng simula ng lockdown at wala raw silang ginawa kundi mag-meeting ng mag-meeting sa bahay nila.
“Ang dami kong gustong gawin na hindi ko magawa. Una, hindi kami nakakaere sa Showtime at that time dahil lockdown nga, so kailangan kong makahanap ng paraan kung paano ka makaka-reach out sa audience. Yon kasi ang pinaintindi sa amin sa ABS.
Anu-ano naman ang mga dapat abangan sa Vice Ganda Network.
“Dito sa Vice Ganda Network marami akong it’s all about good vibes. Marami akong content na ipo-post na makakapagpasaya ng mga manonood. Maraming bagong digital programs na gagawin ako na magpapatawa sa inyong lahat.
“Mapapanood din nila dito yung Gabing-Gabi Na Vice, the usual late night talk show. Tapos yung Prize Ganda, game show na gagawin namin. Tapos meron din akong sitcom na binubuo-kaming mga bakla. May documentary din akong ilalabas at marami pa kayong bagong makikita.
-Reggee Bonoan