Ipinagdiinan ni Direk Perci M. Intalan na consultant lang siya sa TV5 at hindi totoong babalik na siya bilang empleyado katulad ng dati sa posisyong VPat Entertainment head ng network.

Marami kasing entertainment programs ang naka-line up sa TV5 tulad nga ng pagbabalik ni Ryan Agoncillo sa bagong programang Bangon Talentadong Pinoy na co-produced ng IdeaFirst Company na pag-aari nina direk Perci at Jun Robles Lana at si Rich Ilustre ang direktor at ng TV5.
Tinanong namin kung kailan ang relaunch ng TV5 dahil sa muling pagbabalik ng kanilang mga entertainment program ay wala siyang alam.
Sabi naman ng isang tinanungan namin ay sa Agosto na raw dahil marami pang inaayos para sa re-launching.
Inalam namin kay direk Perci kung bakit hindi natuloy ang pagpapalit ng TV5 sa OneTVph.
“Hindi na tinuloy ‘yung ‘pag-change ng name kasi masyado nang maraming nagbabago sa mundo, tama ‘yung reading ng management na baka gusto na rin ng mga tao ng makakapitan na kilala na nila kahit papaano ang TV5,” ito ang paliwanag sa amin ni PMI bilang consultant ng Kapatid network.
Oo nga, bakit ba kasi kailangan pang palitan, e, nasanay na ang lahat sa TV5 o Kapatid network.
Samantala, masayang-masaya ang Ideafirst Company owner dahil ang BL series nilang Game Boys ay umabot na sa mahigit 4M views.
“Di namin inakalang magiging ganyan kalakas!,” sagot ni PMI.
At dahil sa sobrang lakas ng Game Boys ay tatawid ang kuwento ni Adrianna So bilang si Pearl na bestfriend ni Gavreel (Kokoy de Santos).
Ang magiging kuwento ni Pearl ay, “si Adrianna naman ang bida sa kwento at may love interest siyempre he he he. Nagsisimula nang mag-shoot.”
Ang love interest daw ni Pearl ay babae rin at hindi pa nire-reveal sa amin ni direk Perci kung sino, “secret pa, well actually pina-finalize pa.”
Tulad ng Game Boys ay sa puro indoor muna ang shoot o sa kanya-kanyang bahay o condo muna ang mga bida.
“For now sa condo muna. Nakakatakot dumadami ang covid cases uli,” sabi ni PMI.
At dahil kuwento na ito ni Pearl ay ibang direktor na ang hahawak at hindi na si Ivan Andrew Payawal ng Game Boys.
“Hindi na siya ang director kasi gagawin niya ‘yung Gameboys: The Movie. May ibang directing and creative team na binubuo si Jun para kay Pearl.”
Taray, gagawing movie na ang Game Boys? Magiging finally sina Gavreel at Cairo (Elijah Canlas) na?
“Ha, ha, ha, abangan,” tumawang sagot ni direk Perci.
-REGGEE BONOAN