Nagawang patutsadahan ng beteranong radio broadcaster at kolumnista na si Ramon Tulfo si Vice Presidente Sara Duterte matapos ang naging pagsisiwalat ng nagpakilalang “bagman” at “aide” ng huli na si Ramil Madriaga na umano’y mahina sa akademya at bayolente raw ang Bise Presidente noong nag-aaral pa ito ng abogasya.
Ikinuwento ni Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Martes, Abril 14, 2026, na personal daw sinabi sa kaniya ng dating propesor ni VP Sara sa law school na si Atty. Ryan Rey Quilala na “not particularly good,” nahihirapan sa pag-aaral, at bayolente sa iba pang mga estudyante ang Bise Presidente.
“I got close with Atty. Ryan who was previously a professor of Sara and former Associate Dean of SSC-Law. He shared with me that Sara was not particularly good in school, was often struggling with her academics, and habitually rude and violent to other students,” saad ni Madriaga.
KAUGNAY NA BALITA: Ramil Madriaga isiniwalat na mahina, bayolente sa law school noon si VP Sara
Ayon naman sa naging tugon at reaksyon dito ni Tulfo sa kaniyang Facebook post nito ring Martes, sinabi niyang tila hindi raw katakataka dahil hindi man lang niya narinig na magsalita o sumagot sa mga panayam si VP Sara na gamit ang wikang Ingles.
“Kataka-taka ba?” aniya.
Screenshot mula sa FB post ni Tulfo.
Dagdag pa niya, “Narinig mo siyang magsalita ng English o sumagot sa mga interview?”
Ani Tulfo, tila hindi raw papansinin ng mga Duterte supporter ang isyung ito dahil mahina rin daw ang pag-iisip ng mga ito.
“Pero bale wala yan sa masa at DDS dahil bobo din naman sila,” buwelta niya.
Pagpapatuloy niya, aabot na raw sa tatlo ang magiging bobong Pangulo ng Pilipinas sakali mang mahalal pa si VP Sara bilang Presidente, bukod kina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kapag nahalal si Sara bilang presidente, tatlo na ang bobo na naging pangulo: Erap, Digong at Sara,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag si VP Sara kaugnay sa nasaad ni Tulfo.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nakapasa lang sa law school dahil sa impluwensya—Madriaga
KAUGNAY NA BALITA: Mga akusasyon ni Madriaga kontra VP Sara, 'irrelevant' at 'immaterial!'—Panelo