SAN FERNANDO CITY, La Union – Aabot sa 39 pulis mula sa Cabugao at San Juan Municipal Police Station, kabilang ang dalawang hepe ng pulisya nito ang sinibak sa puwesto kaugnay ng pagkakapaslang sa isang 15-anyos na babae na kabilang sa dalawang rape victim noong Hulyo 2.
Ito ang inihayag ni Police Regional Office 1 director, Brigadier General Rodolfo Azurin, Jr. at sinabi kabilang sa inalis nito sa posisyon sina Cabugao Municipal Police chief, Captain Ramil Llanares at Captain Benjamin Raquedan, hepe ng San Juan Municipal Police.
Inilabas ni Azurin ang hakbang kasabay ng kanyang pagkondena pakikiramay, pakikisimpatiya at pakikidalamhati sa pamilyang ng biktima .
“All will be replaced while they are undergoing training without any promise that they will go back to their municipal police station,” pahayag ni Azurin.
“Kailangan na nilang mag-training para bumalik sa isipan nila kung ano ang dapat ang trabaho ng isang pulis na kanilang sinumpaang,” aniya.
Epektibo ang pagsibak sa mga ito noong Hulyo 10, 2020 at inaasahang ang police mobile force ang papalit sa kanilang puwesto.
Kaugnay nito, bukod aniya sa kasong murder, ay isinampa na ang two counts of rape laban kina Police Staff Sergeant Marawi Torda at Randy Ramos, pawang nakatalaga sa San Juan Municipal Police Station, samantalang kasong Obstruction of Justice naman ang isinampa laban kina Llaneras, PSSG Merly Joy Pascua ng Women and Children Protection Desk-Cabugao (WCPD) at Barangay Captain Ricardo Quilala, ng Bgy. Daclapan.
Isinama sa kaso si Quilala nang makialam umano sa areglo ng kaso.
Sina Torda, Ramos at Pascua ay kabilang sa 39 pulis na inalis sa kanilang puwesto bunsod na rin ng nabanggit na insidente.
Ang nasabing kaso ay direktang isinampa ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police sa Department of Justice-Manila thru regular filing na tinanggap ni Assistant State Prosecutor Susan Azarcon.
Matatandaang nagtungo sa Cabugao Police Station ang biktima, kasama ang dalawang kaanak, upang magsampa ng reklamo laban kina Ramos at Torda dahil sa umano’y pagmomolestya at panggagahasa sa kanila ng kaibigang 18-anyos.
Unang hinuli ng dalawang pulis ang mga biktima na nakainom mula sa dinaluhang party, dahil sa paglabag umano sa curfew.
Hanggang sa magboluntaryong ihatid ng dalawang pulis ang dalawang biktima sa kanilang bahay, subalit sila ay pinagsamantalahan.
Naiulat na ginahasa umano ni Ramos ang 18 taong gulang na biktima, samantalang si Torda naman ang nagmolestya sa dalagita. Nakatakas ang dalagita pagkatapos ng insidente.
Nagsampa ng kaso ang dalagita sa Cabugao Police ngunit habang papauwi ay tinambangan ng dalawang riding tandem na ikinasawi nito.
Binigyang-diin naman ni Azurin, sa pagkakataon ngayon ay hindi na panahon ng pagtuturuan, dahil hindi ito makakatulong sa mabilis na pagresolba ng kaso, kundi ang kailangan ay kooperasyon.
Nangako rin ito na bibigyan niya ng hustisya ang naganap na krimen
-ZALDY C. COMANDA at LIEZLE BASA IÑIGO