LUMIPAD patungong Zamboanga City nitong Biyernes si Pangulong Duterte upang makipagkita sa mga opisyal ng militar at pulisya, kaugnay ng naganap na insidente ng pamamaril sa pagitan ng mga militar at pulis sa Sulu noong nakaraang Lunes, na nauwi sa pagkamatay ng apat na sundalo.
Kabilang sa mga namatay sa insidente sina Major Marvin Indammog, commanding officer ng Intelligence Service Unit ng Philippine Army sa Jolo, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula, ng Army’s 9th Intelligence Service Unit ng 11th Infantry Division. Inilipad ang labi nina Indammog, Managuelod, at Velasco sa Villamor Air Base kung saan sinalubong sila ng kanilang mga pamilya. Habang agad namang inilibing ang labi ni Asula sa Sulu.
Tinawag ng mga pulis sa Jolo na “misencounter” ang naganap, kung saan hindi umano nabatid ng partido na ang kabilang partido ay kaalyado. Gayunman, sinabi ni Lt. Gen. Gilbert Gapay, commanding general ng Philippine Army, na hindi “misencounter” ang nangyari. Isa itong “rubout”, aniya.
Sinabi ng heneral na binubuntutan ng mga sundalo ang dalawang umano’y suicide bomber na kaanib umano ng Abu Sayyaf nang harangin ang mga ito ng pulisya na sinabihang magtungo na lamang sa istasyon ng pulis. Wala umanong intensyon na tumakas, taliwas sa ulat ng pulisya, ngunit pinaputukan umano ito ng limang pulis habang apat pang pulis ang nagsilbing lookout.
Umapela naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga miyembro ng militar na hintayin muna ang resulta ng opisyal na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ibinahagi ni Gen. Felimon Santos Jr., chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nakipagpulong na siya kay Police Gen. Archie Francisco Gamboa, hepe ng Philippine National Police (PNP). Lahat ng suspek ay nasa ilalim na ng kustodiya ng PNP, at siniguro na hihintayin ang imbestigasyon ng NBI.
Nagdesisyon si Pangulong Duterte na magtungo ng Zamboanga upang personal na makausap ang mga sundalo at pulis—una, upang alamin ang tunay na nangyari at pangalawa, upang palakasin ang moral ng militar at pulisya, ayon kay presidential spokesman Harry Roque.
Sa pamamagitan naman ng Senate Resolution No. 460, nanawagan si Sen. Risa Hontiveros ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa pamamaril.
Lahat ng hakbang na ito ay dapat na makatulong upang linawin ang mga magkakataliwas na ulat at pakalmahin ang lahat ng mga nangangamba na maaaring makaapekto ang insidente sa ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng dalawang pambansang organisasyon ng bansa – ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police.
Maaaring kailanganin na linawin ang kani-kanilang tungkulin at siguruhin ang mas maayos na koordinasyon sa kanilang mga operasyon na posibleng magkatagpo at magbanggaan sa ilang punto. Maaari rin silang bumuo ng operational arrangements upang maiwasan ang katulad na insidente tulad ng Mamasapano massacre noong 2015 nang mamatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force ng PNP matapos makasagupa ng mga rebelde sa Maguindanao, sa kabila ng prisensiya ng batalyon ng AFP malapit sa lugar, dahil sa kakulangan ng koordinasyon.
Tunay namang nakalulungkot ang nangyaring pamamaril sa Sulu, ngunit umaasa tayo na malulutas ng NBI ang imbestigasyon dito. Umaasa rin tayo na hahantong ito na mas malakas na koordinasyon sa hinaharap sa pagitan ng puwersa ng AFP at PNP.