PARANG halimaw itong COVID-19 (Coronavirus Disease-2019) sa pananalasa at pagpinsala sa buhay at kabuhayan ng sangkatauhan sapul nang ito’y biglang sumulpot mula sa Wuhan City, China at kumalat sa maraming dako ng daigdig.
Malaking gulo at pinsala ang idinulot nito sa maraming bansa sa mundo. Libu-libong tao na ang namamatay at baka abutin pa ng milyun-milyon ang mangamatay kapag hindi pa nakatuklas ng bakuna o gamot laban sa halimaw na ito ang mga eksperto sa medisina.
Habang sinusulat ko ito, may 11,1932,678 kaso ng COVID-19 sa buong mundo at may 594,113 na ang patay samantalang ang gumaling ay 6,297,910. Ang US ang may pinakamaraming kaso --2,890,588 at dito ay 132,101 ang patay. Sumunod ay ang Brazil na may 1,543,341 kaso na may 63,254 patay at pangatlo ang Russia na may 667,883 kaso na may 9,859 ang patay.
Kung si Dr. Anthony Fauci, director ng Infectious and Allergy Diseases sa US, ang paniniwalaan baka umabot sa mahigit 100,000 ang mga kaso ng COVID-19 bawat araw kapag patuloy sa katigasan ng ulo ang mga Kano, ayaw gumamit ng face mask, ayaw sumunod sa social-physical distancing, paghuhugas ng kamay at iba pang safety protocols.
Sa Pilipinas, may 40,336 COVID-19 cases na at may 1,280 ang namatay samantalang 11,073 ang naka-recover. Posibleng dumami pa ang mga kaso ng COVID-19 kapag hindi nag-ingat ang ating mga kababayan at hindi tumalima sa health and safety protocols na laging inaanunsiyo ng Department of Health (DoH).
Sa mahigit na tatlong buwang ipinairal ng Malacañang ang community quarantine (ECQ, MECQ, GCQ at MGCQ), sinabi ng Population Commission (PopCom) na posibleng maraming babae ang mabubuntis at magreresulta sa “baby boom” o biglang pagdami ng mga sanggol na ipanganganak. Bunsod ito ng lockdown na ang mag-asawa o magsing-irog ay laging magkapiling sa loob ng bahay. Sa tantiya ng PopCom, may 200,000 sanggol ang isisilang sa loob ng siyam na buwan dahil sa quarantine.
Sabi nga ng palabirong kaibigan: “Maraming sanggol ang isisilang na magkakaroon ng pangalang Cobido at Quarantino (pag lalaki) at Cobida at Quarantina (kapag babae). Tugon ko sa biro niya: “Masisisi mo ba ang magsing-irog na maglambingan sa loob ng mahigit na 3 buwang sila’y naka-lockdown?” Sabad ng kaibigang senior-jogger na ilang buwang hindi nakapag-jogging: “Walang sisihan, ang sisihin ay si COVID-19 at ang quarantine.”
Sa pananalasa at pananalakay ng coronavirus na ito, maraming “new normal” ang tiyak na mararanasan ng mga Pinoy. Kabilang sa “new normal” na ito ang mga salitang “lockdown, quarantine, protocol, face face mask, washing of hands, social-physical distancing atbp.”
Talaga nga naman, ito ang tanging “veeruz”, este virus na may “corona”, parang isang Hari o Emperador na ang koronang virus ay kumikitil sa maraming buhay at nagpapadapa sa ekonomiya ng mga bansa sa buong mundo.
-Bert de Guzman