MAY bago ng nagmamay-ari ng prangkisa Columbian Dyip sa PBA.
Ito'y makaraang aprubahan nitong Miyerkules ng PBA Board of Governors ang paglilipat ng pagmamay-ari ng nasabing prangkisa mula sa Columbian Autocar Corporation sa kapatid nitong kompanya na Terra Firma Realty Development Corporation.
Isa lamang ito sa napag-usapan sa naganap na board meeting sa tanggapan ng liga sa Libis, Quezon City.
Napag-usapan din ang paghingi ng clearance mula sa pamahalaan para sa muling pagsasanay ng mga players sa ilalim ng istriktong panuntunan para sa paglaban sa COVID-19.
"I submitted a letter request on behalf of Columbian Autocar Corporation which owns the PBA franchise,” ani Dyip governor at PBA vice chairman Bobby Rosales.
“The request is to transfer the franchise to its sister company, Terra Firma Realty Development Corporation,” dagdag nito kasabay ng paglilinaw na ang dalawang kompanya ay parehas na pag-aari ni Palawan Governor Jose “Pepito” Alvarez.
Ang dahilan ng paglilipat ayon kay Rosales ay ang desisyon ng mga opisyales ng kompanya na streamlining ng kanilang operasyon.
Ayon kay PBA chairman Ricky Vargas, sinunod naman ng Columbian at Terra Firma ang rules ng liga, ngunit may mangilan-ngilan pang mga dokumento na kailangan nilang isumite bago maging opisyal ang paglilipat ng pagmamay-ari ng prangkisa.
“They satisfy all requirements of our constitution, and they just need to submit two or three more documents and have the board approve the change of ownership name,” ani Vargas, ang TNT KaTropa Governor.
Panibagong pagpapalit ito ng prangkisa na pumasok sa PBA noong 2014 bilang expansion team. Mula roon, nakailang palit na sila ng pangalan.
Una silang nakilala bilang KIA Sorento, kung saan ang boxing icon at Senador na si Manny Pacquiao ang kanilang playing coach bago naging KIA Carnival bago matapos ang season.
Sunod nilang dinala ang pangalang Mahindra Enforcer noong 2016 na naging Mahindra Floodbuster nang sumunod na taon bago bumalik sa KIA Picanto at naging Columbian Dyip noong 2018. MARIVIC AWITAN