ANUMAN ang sabihin ng sinuman, ako -- at maaaring ang halos lahat ng ating mga kababayan -- ay mistulang buhay-bilanggo sa ating mga bahay. Nangangahulugan na tayo ay hindi dapat lumabas habang nasa kasagsagan ang implementasyon ng lockdown hindi lamang sa Metro Manila o National Capital Region kundi sa buong Luzon -- mula sa Region 1 hanggang Region V o Bicol Region. Kaugnay ito ng utos ni Pangulong Duterte: Enhanced Community Quarantine (ECQ). Kaakibat ito ng paulit-ulit niyang pakiusap, sa halos lahat ng sektor ng mga mamamayan: Stay Home o manatili sa mga tahanan upang masugpo o mapigil ang paglaganap ng nakamamatay na sakit.
Nais kong bigyang-diin na ang kambal na mga katagang buhay-bilanggo ay walang kaugnayan sa ating mga kapatid na nakapiit upang pagdusahan ang kani-kanilang mga pagkakasala sa batas; tayo ay buhay-bilanggo sa paniwala na ang ganitong pamumuhay ay isang epektibong paraan ng pagpuksa ng COVID-19 na ngayon ay patuloy na namiminsala sa halos 200 bansa sa daigdig. Nilalabanan natin ang isang kaaway na hindi nakikita, sapat na dahilan upang tayo ay manatili sa ating mga bahay.
Totoong mahirap magbuhay-bilanggo -- hindi makalabas dahil nga sa pagtalima sa ECQ o lockdown. Lalo na nga sa aming mga kapatid sa pamamahayag na kailangang halos manirahan sa mga lansangan, wika nga, upang mangalap ng makabuluhang mga impormasyon na talaga namang dapat malaman ng ating mga kababayan. Bukod pa rito ang pagdalo sa iba’t ibang media forum sa gayon ding mga kadahilanan o misyon.
Subalit totoo rin na wala tayong alternatibo kundi sundin ang ipinatutupad na mga tagubilin. Hindi na biro ang nakapangingilabot na situwasyon hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Libu-libo na ang dinapuan ng naturang nakamamatay na virus; at libu-libo na rin ang nakitil na buhay. Sa ating mga komunidad lamang, umakyat na sa halos 500 ang positibo sa naturang sakit at 33 ang hindi pinaligtas ng naturang salot. At wala itong pinipiling biktima; kahit na mismong mga doktor, makapangyarihang mamamayan at mga bilyunaryo -- tulad ng ating natutunghayan sa mga ulat na hindi na natin pangangalanan.
Maging ang aming lalawigan sa Nueva Ecija ay hindi na rin pinaligtas ng COVID-19. Isinasaad sa ulat na isang pasyente ang ginagamot ngayon sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center. Kinumpirma ito ng Nueva Ecija Task Force COVID-19 at ni Gob. Aurelio Umali. Dahilan ito upang kumilos ang pamahalaang panlalawigan upang maglatag ng mga patakaran na makatutulong sa pagpigil sa paglaganap ng nasabing virus. Pinaigting ang kanyang mga panawagan sa aming mga kalalawigan upang tumalima sa utos ng Duterte administration.
Sa harap ng gayong nakasisindak na pamiminsala ng nabanggit na salot, marapat lamang na paigtingin din ang ating buhay-bilanggo -- walang katulad na pagsasakripisyo alang-alang sa kaligtasan nating lahat.
Marapat din namang lalong paigtingin ng administrasyon ang pagsaklolo sa nagdurusang mga mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan na masyadong pinahihirapan ng COVID-19.
-Celo Lagmay