BAGAMAT nakatutulig na ang mga paalala laban sa kinatatakutang COVID-19, nais ko pa ring paugungin ang aking maliit na tinig upang humupa kundi man ganap na mapawi ang mga pangamba at sindak ng naturang sakit na laganap ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Isipin na lamang na umaabot na sa mahigit na 70 bansa ang hindi pinaligtas ng naturang nakakikilabot na karamdaman o virus na nagsimula sa China. Mismong sa ating bansa, iniulat na 33 na mula sa 24 ang apektado ng COVID-19. Nais din nating paigtingin ang ating munting tinig upang umigting din ang pag-iingat ng ating mga kababayan.

Sa tindi ng sindak na inihahatid ng COVID-19, walang pag-aatubiling ipinatupad ni Pangulong Duterte ang State of Public Health Emergency (SPHE) sa ating bansa. Sa ilalim ng naturang direktiba, minsan pang pinakilos ng Pangulo ang halos lahat ng ahensiya ng gobyerno -- sa pangunguna ng Department of Health (DOH) – upang mahadlangan ang paglaganap ng coronavirus; gumapang na rin ito, wika nga, sa Quezon City, Makati, Pasig at Marikina at hindi malayong makarating ito sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Wala tayong alternatibo kundi tumalima sa lahat ng paalala o precautionary measures na inilatag ng naturang ahensiya. Marapat ding makiisa sa naturang mga tagubilin ang mga pribadong sektor na natitiyak kong sinasagilahan din ng matinding takot na hatid ng COVID-19.

Nasa wastong direksiyon ang pagsuspindi ng Pangulo sa lahat ng klase sa Metro Manila -- kaakibat ng utos sa mga kinauukulan, lalo na sa mga estudyante na manatili na lamang sa kanilang mga bahay at mag-aral ng leksiyon. Maging si Gobernador Junvic Remulla ng Cavite ay nagdeklara na rin ng ‘no classes’ sa buong lalawigan. Bukod sa paniniwala na ang kanyang probinsya ay mistulang kakambal ng National Capital Region (NCR), nais din niyang mailigtas sa kamandag ng naturang sakit ang mga mag-aaral. Kahawig din ito ng mga hakbang na isinagawa sa ilang lugar sa Bulacan at Rizal.

Maging sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, naglatag na rin si Gob. Aurelio Umali ng mga tagubilin upang mailayo ang aming mga kalalawigan sa nakakikilabot na pangambang likha ng COVID-19. Pinakilos niya ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang panlalawigan na makiisa sa pagpapalaganap ng precautionary measures laban sa paglaganap ng nabanggit na sakit.

Sa regular na programa na dinadaluhan ng aming mga kababayan mula sa iba’t ibang sektor, binibigyang-diin ni Gob. Umali, bukod sa mga panganib na hatid ng naturang virus, ang iba’t ibang proyektong magpapabuti sa kabuhayan ng sambayanan, lalo na ang mga magbubukid. Bahagi naman ito ng mga programa na nauna nang inilatag ng Department of Agriculture (DA). Kabilang dito, halimbawa, ang milyun-milyong pisong agri funds na pinalabas ni Secretary William Dar kamakailan.

Sa kabila ng lahat ng ito, marapat mangibabaw ang ibayo ay doble-dobleng pag-iingat laban sa panganib ng COVID-19.