KUNG ating sisiyasatin ang bilang ng sandatahang lakas ng New Zealand, baka magulantang tayo. Higit 4,500 lamang ang regular na mga sundalo nito. Bakit at paano nangyari na gagarampot lang ang itinayong armed forces ng New Zealand?
Ang diwa ay madidiskubre sa napakasuwerteng sulok na kinatitirikan ng kanilang bansa. Ang tanging higanteng bansa na malapit sa New Zealand ay ang Australia. Malayo sila sa malalaking bansa sa Asya na nagbabangayan, halimbawa, China, Japan, South Korea, dagdag pa ang North Korea, Taiwan, at ang umuunlad na Vietnam. Ang mga nabanggit ang palaruan ng mga bigatin at nagbabanggaang interes sa pangunguna ng Estados Unidos.
Kadalasan, kung ang isang bansa ay kaibigang maituturing ng Amerika, hindi malayo na ang resulta nito ay katunggali ka ng bansang China, Russia, North Vietnam at iba pang kaalyado. Sa kabaliktaran naman, kung kaalyado ka ng nasabing mga bansa, posibleng kalaban ka naman ng mga “Kano.” Tulad sa Pilipinas, dahil nga sa dito sa bukana ng Katimugang Asya tayo binasbasang itayo ng Poong Maykapal, ilang dayuhang bansa at interes ang dumatal, sumakop, at mistulang inangkin bilang pag-aari ng kanilang pansariling kapakanan. Magugunita na ang Espanya, China (Limahong), Britanya, Amerika, maging Alemanya ay dumating sa ating karagatan, kasama pa ang Japan. Ang resulta, lagi tayong nadadamay.
Ibig sabihin, dalawa lang ang pormula sa katatagan ng ating republika at soberanya. Una, magpalakas tayo ng sandatahang lakas, pangalawa, habang nagpapalaki pa tayo ng AFP, mahalagang makisukob tayo sa proteksyon at pangangalaga ng isang dambuhalang bansa na may angkop na sistema ng pamamahala at paniniwala na sumasalamin o katulad ng ating mga paninindigan, halimbawa, demokrasya. Dalawa lang sa kasalukuyan ang maaring pagpilian. China o Amerika? Kaya talagang napaka-swerte ng New Zealand dahil sa dalawang digmaang pandaigdig, hindi nakubkob ang kanilang bansa. May ilang submarino ng Hapon at Nazi Germany ang tanging bumaybay sa kanilang karagatan. Hanggang dun lang. Kung mayroon mang nasawi man sa kanilang hukbo, ang mga ito ay boluntaryong lumipad papuntang England para sumali sa gera.
-Erik Espina