Nakatakdang magsagawa ng sarili nilang bersiyon ng pagpupugay at pagpaparangal ang Philippine Basketball Association (PBA) para sa namayapang NBA great na si Kobe Bryant sa pagbubukas ng kanilang 45th season sa Marso 1 sa Smart Araneta Coliseum.

 (Photo by Jordan Strauss/Invision/AP)

(Photo by Jordan Strauss/Invision/AP)

Ayon kay Commissioner Willie Marcial, bibigyang-pugay ng liga ang 41-anyos na Los Angeles Lakers superstar bilang bahagi ng programa nila sa opening.

Paraan aniya ito ng liga ng kanilang pasasalamat at pag-alala sa isa sa mga itinuturing na pinakamahusay na manlalaro sa kasaysayan ng basketball na naging madalas na panauhin ng bansa noong ito’y nabubuhay pa.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Napagkasunduan ng PBA Board sa nakaraang annual planning session nila sa Milan, Italy, na magkaroon ng tribute kay Bryant sa league opener.

“The PBA Board in silence prayed for him and decided to give him a tribute (on March 1),” ani PBA chairman Ricky Vargas.

“He’s (Bryant) been part of us. And he has touched each one of us by his own inspiration in playing the game.” Pumanaw si Bryant, kasama ng kanyang 13-anyos na anak na si Gianna at pitong iba pa sa isang helicopter crash kamakailan sa Los Angeles habang patungo sa Mamba Sports Academy sa Thousand Oaks para sa isang basketball game.

Matatandaang halos buong mundo ang nagluksa sa pagpanaw ni Bryant at ng kanyang anak at nakiramay sa kanyang asawang si Vanessa at sa kanyang pamilya.

Pitong beses na bumisita ng bansa si Bryant at noong 2011 ay naglaro, kasama ng isang seleksiyon ng NBA stars kontra sa kanilang PBA counterparts sa Ultimate All-Star Weekend sa Araneta Coliseum.

Ang isasagawang tribute ay magsisilbing isa sa mga tampok sa league opening kung saan tampok din ang Leo Awards at nag-iisang opening game sa pagitan ng 5-time Philippine Cup defending champion San Miguel at Magnolia.

-Marivic Awitan