Pinatunayan ni CJ Perez na karapat-dapat sya na mapabilang sa professional ranks matapos nyang ipakitang kaya nyang makipagsabayan sa mga beterano.
Tinanghal ang top rookie ng Columbian Dyip bilang scoring champion ng katatapos na PBA 44th season sa naitala nyang average na 20.8 puntos kada laban.
Sa unang pagkakataon, makaraan ang dalawang dekada, sya ang unang rookie na tinanghal na scoring champion ng liga kasunod ni Eric Menk noong 1999 para sa Tanduay.
Tinalo ng 2018 No.1 Draft pick at nangungunang Rookie of the Year candidate ang ilan sa mga pangunahing shooters ng liga na naging dahilan din upang pumangalawa sya kay Junemar Fajardo sa statistical points para sa MVP race.
Kabilang na rito sina Matthew Wright ng Phoenix (18.89 ppg) at reigning 5-time MVP na si Fajardo (18.87) na sya namang tinanghal na season top rebounder sa average nyang 13.0 rebounds kada laro.
Nangunguna naman sa liga pagdating sa assists ang pumapangatlo sa kanila ni Fajardo sa MVP race na si TNT playmaker Jayson Castro na may 6.1 assist average kada laro.
Si Sean Anthony naman ng NorthPort ang No. 1 sa steals (2.4), habang top blocker naman sa ikalawang sunod na taon si JP Erram (2.1).
-Marivic Awitan