ANTIPOLO CITY – Walang duda, kapado at implewensiya ni Kobe Bryant ang isang henerasyon ng Pinoy basketball players.
Kaya’t hindi kataka-taka ang kalungkutang nadama ng basketball fans sa maagang pagpanaw ng tinaguriang ‘Black Mamba’ ng National Basketball Association.
Bilang pagpupugay at pagbibigay ng respeto sa five-time NBA champion at two-time Olympian, isang pagkilala ang ibinigay ng Maharlika Pilipinas Basketball League nitong Lunes.
Sa triple-header para sa 2019-20 Chooks-to-Go Lakan Season sa Ynares Center, nagsagawa ng ‘moment of silence’ para ipanalangin si Bryant, gayundin ang anak na si Gigi, 13, ang pitong iba pang kasama nang aksidenteng bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter nitong Linggo sa bulubunduking bahagi ng Calabasas, Califronia.
Kapwa hinayan ng Pasig-Sta. Lucia at Navotas-Unipak, gayundin ang Iloilo United at Binan-Luxxe White, na abutin sa 24-second violation ang opensa bilang pagbibigay galang sa No.24 jersey ng Los Angeles Laker star.
Sa final game sa pagitan ng Basilan at Rizal-Xentro Mall, hinayaan ng una na magtamo ng 24-second shotclock violation bago nagtamo ang Rizal- Xentro Mall ng eight-second backcourt violation – bilang pagkilala sa jersey No. 24 at No.8 na ginamit ng basketball icon sa 20 season sa NBA.
Maging si MPBL founder Sen. Manny Pacquiao ay nalugmok sa balita ng pagpanaw ni Bryant.
“Alam mo nagulat ako nung lumabas yung balita kaning umaga at halos hindi ako makapaniwala na nawala yung kaibigan ko,” pahayag ni Pacquiao.
Ilang players naman ang nagsulat bg pangalan ni Kobe at anak na si Gigi sa kanilang sapatos, kabilang sina Caloocan’s JM Gonzales, Carlo Escalambre, Radge Tongco, at Damian Lasco; at Muntinlupa’s GJ Ylagan at Dave Moralde.
Suot naman ni Basilan’s Allyn Bulanadi ang customized Kobe Bryant shirt na gawa ng Phenom Sportswear.