MARAHIL kung pagbabatayan ang 2016, panimula ng “war on drugs” ni Presidente Rodrigo Duterte, masasabi ko na ang 1972 Dangerous Drugs Act o RA 6425 na ang aking namayapang ama, Cebu Senator Rene Espina, ang pangunahing taga-patnugot ng batas, nakahula sa kalaunang pananaw – 44 taon – na ang droga magiging panibagong peligro sa ating demokrasya, pambansang seguridad, lipunan at tahanang Pilipino. Dagdag kaalaman, ang bersyon pa ng Senado ang inampon ng Mababang Kapulungan. Malapit sa akin ang usaping ito dahil, may mga matalik akong na kaibigan mula sa kilalang angkan at mga kamag-anakan na nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Ang isang pinsan, pumanaw dahil sa pagturok ng nubain (opioid analgesic). Dahil pasa-pasa ang paggamit ng karayom, tuloy nagka-HIV. ‘Yan ang malaking problema sa Cebu. Adik ka na, may hambalos pa ng Aids!
Nitong nagdaan linggo, naglabas ng maanghang na salita si Bise Presidente Leni Robredo patungkol sa kapalpakan ni Digong na matigil ang droga sa bansa. Ayon kay ‘Madam Leni’, “bigo” raw ang nasabing kampanya, at kung bibigyan ng grado ay, “1 sa 100”. Tila nakaligtaan yata banggitin ng Pangalawang Pangulo na, sa loob ng 6 na taong termino dati, ni isang pangungusap, salita, kahit titik na lang, walang nadinig ang sambayanang Pilipino sa SONA (State of the Nation Address) ni PNoy tungkol sa lumalalang problema ng drugs. Bakit? Si Digong pa ang nagbisto sa tumitinding estado nito, na bumulaga sa karamihan. Kung ikaw nga naman ang tapunan ng patong-patong at naipong alalahanin bunsod ng kapalpakan ni Noynoy, hindi ba kailangan ng mga agarang at pangunang lunas. Kung ano ang bigat ng problema, tapatan din sa tindi ng solusyon. Kumpara sa tatlong taon o 1,095 na araw na gera sa droga, sa loob lang ng 18 araw na umupong Co-Chair ng ICAD (Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs), si Madam Leni, agad-agad nakahusga? Panong palpak ang pagsira sa 14 shabu laboratories, at 419 drug dens? Kumpiska sa 5.1 tonelada ng shabu, 2.2 tonelada ng marijuana, 500 kilograms cocaine, 42,473 ecstasy pills sa kabuuang halaga na P40.39B piso. Pag-aresto sa 220,728 kasama HVT (High Value Targets) na 8,185 at iba pa.
-Erik Espina