SA kauna-unahang pagkakataon, nakahalubilo ko sa isang eksklusibong pagtitipon ang isang malaking grupo ng mga senior citizen -- pawang nakatatandang mga mamamayan na wala silang bitbit, wika nga, na nakababatang miyembro ng kanilang pamilya. Bilang guest speaker ng naturang grupo, mahigpit ang lambing ng group organizer: Magbibigay lamang ako ng inspirational message. Mensahe na walang pamumulitika at mga detalye na produkto ng mga imahinasyon.
Palibhasa’y isa na ring senior citizen, walang pagkukunwari kong ipinahiwatig: Matagal ko na pong pinananabikan ang ganitong madamdaming okasyon upang tayo ay makapag-usap nang puso-sa-puso; upang bakasin ang ating mga pakikipagsapalaran sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay -- mula pagkabata hanggang sa tayo ay sumapit sa dapithapon ng ating buhay.
Narito ang padamput-dampot na bahagi ng aking mensahe sa aming hanay: Sa kabila ng ating katandaan -- apat na buwan na po akong nakatuntong ngayon sa edad na 82 -- panatilihin nating nakataas ang ating noo, wika nga. Minsan sa ating buhay, tayo ay naging makabuluhang bahagi ng mga kaunlarang pangkabuhayan, panlipunan, pampulitika, pang-edukasyon at sa iba pang larangan ng pagkamakabayan.
Natitiyak ko na kabilang sa ating hanay ang isang retiradong guro, halimbawa, na gumanap ng makatuturang misyon sa larangan ng edukasyon; sila ang pangalawang ina ng ating mga anak at apo na humubog ng kanilang kaisipan at wastong pag-uugali -- ng good manners and right conduct (GMRC).
Ang ating mga retiradong sundalo at pulis at iba pang alagad ng batas ay gumanap ng makabayang misyon sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa mga komunidad. Natitiyak ko na ang ilan sa kanila ay namuhunan ng buhay at dugo sa pagtatanggol ng ating kasarinlan noong nakaraang digmaan. Maging ang ating mga kapatid na mga lingkod ng bayan ay gumanap din ng mahalagang tungkulin sa pagbalangkas ng mga patakaran na hanggang ngayon ay nagiging sandigan ng makabuluhang pamamahala; hindi ng kontrobersyal na pamamalakad ng ilang tiwaling public servants.
Maging ang isang retiradong basurero at basurera ay maituturing ding isang huwarang senior citizen. Bukod sa paglilinis ng kapaligiran, sila ang nanguna sa pagpapamalas ng wastong paraan ng paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na basura.
Marami pang kapaki-pakinabang na misyon ang natitiyak kong nagampanan at naipamalas ng ating mga senior citizen na kinikilala naman ng sambayanan. Nakalulugod mabatid na may mga panukalang-batas ang nagbibigay-halaga sa ating hanay. Ang isa ay nag-aatas sa mga sangguniang bayan, siyudad at lalawigan na sapilitang magtalaga ng senior citizen sectoral representative sa nasabing mga konseho. Ang isa ay hinggil naman sa pagpapataw ng multa at pagkabilanggo sa sinumang magpapabaya sa mga magulang.
Sa kabila ng lahat, hindi ba marapat lamang idambana sa matayog na pedestal ang mga senior bilang mga bayani ng lahing magiting?
-Celo Lagmay