MAY batayan si Pangulong Rodrigo Duterte na iwasan ang pagpili ng bagong hepe para sa Philippine National Police. Hindi nga naman “nagdiwang” si Digong sa naglabasang at mala-teleseryeng pagbubunyag sa Senado tungkol sa tinaguriang “ninja cops.” Dawit ang pangalan ng mga bigating at patakbuhing parak sa droga.Dahil dito, napagtanto ng ating Presidente na baka may itinatagong “anino” ang ilang naka-umang na heneral sa kanilang sisidlang tampipi, bunsod sa deka-dekadang pagpu-pulis. Matalisod pa ulit sa pagpili ng bagong PNP chief, sa akalang busilak ang rekord nito? Laking disgrasya nga naman kung ang hirangin ni Du30 ay may umalingasaw na anomalya?
Sa ibang bansa tulad sa Amerika, bago pa hirangin ang isang kalihim, may interbyu at pagsasaliksik na ginagampanan ang FBI. Baka pwede natin gayahin, at ipaubaya sa NBI?
Sa kasalukuyan, hindi pa wakas ang kabuuang imbestigasyon kontra sa “ninja cops.” Kailangan maipalabas ito ng mas maaga, at para madala sa korte ang may sala, at malinis naman ang mga pulis na nadamay lang.
Swak ang inasal ni DU30, na pansamantala, igawad kay DILG Secretary Eduardo Año ang buong ahensya ng PNP, para repasuhin, linisin at ayusin. Wika nga, baka may mga agiw-agiw pa sa sulok-sulok na kailangan hambalusin at bombahan ng tubig. Nitong ilang araw, si Kalihim Año ang nag-utos na pagbawalan ang mga pulis na personal na gamitin ang mga motorsiklo, kotse, at iba pang nakumpiska dahil kinasangkapan sa pagtupad ng krimen at iligal na gawain. Estilong bulok na kasi yang pakinabangan, kahuyin, ipatubos ng pulis ang mga sasakyang nahuli o impounded sa kanilang mga istasyon at himpilan.
Marami pa ang dapat pakialaman sa ating pambansang pulis – halimbawa, palakasin ang bilang ng mga “police on motorcycles,” bilang puwersa laban sa mga “riding in tandem”. Kung de-motor ang kalaban, dapat lang motorsiklo rin ang sagot, lalo sa lumalalang trapiko sa lansangan. Makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan na mamuhunan ng “portable incinerators,” para ang mga drogang nahuli ay agad masunog sa harap ng PDEA. Magpatupad ng “gun amnesty” para may rekord ang PNP at iba pa.
-Erik Espina