SINIGURO ng Philippine Sports Commission (PSC) na hindi lamang ang mga atletang pasok na sa 2020 Tokyo Olympics ang bibigyan ng buhos na suporta ng nasabing ahensiya, bagkus maging ang mga sasabak sa mga qualifiers.
Kasalukuyang tinatamasa nina World champion gymnast Carlos Edriel Yulo at Asian champion pole vaulter EJ Obiena ang buong suporta na ibinibigay ng PSC para sa kanilang preparasyon para sa Olimpiyada.
Isang halimbawa dito ay ang pagkakaroon ng sports psychologist, nutritionist, strength at conditioning coach, physiotherapist, physical therapist at ang sports science expert na siyang tutulong na maghumbog sa mga atleta.
Kagaya ni Obiena, unang atetang Pinoy na nakapasok sa Olimpiyada para sa Tokyo ngayong taon, ay mayroong dayuhang coach na si Vitaly Petrov.
Bukod dito, kabilang din tinatawag na “Team Obiena” para sa Olympics ay ang kanyang ama na si Emerson na tumatayong assistant coach, gayundin ang kanyang psychologist na si Sheryll Catsuga at ang nutritionist na si Carol Lafferty.
Sa panig naman ni Yulo, nasa ilalim siya ngayon ng pagmamaneobra ng foreign coach nito na si Munehiro Kugiyama, at kasalukuyang naghahanap pa ng mga espesyalista na bubuo sa kanyang koponan bilang “Team Yulo” sa Olimpiyada.
Mismong ang PSC ang siyang sasala sa mga aplikante at mga karapat dapat na mga sports science personnel na siyang kukumpleto ang grupo nabubuuin para kay Yulo.
Makakasama nina Obiena at Yulo ang kani-kanilang support-staff sa pag-eensayo, gaya ng una na mag-eensayo sa Italay ahabang ang huli naman ay sa Japan.
Plano rin ng PSC na bigyan ng tirahan sa Japan ang mga Pilipinong atleta na makakapasok sa Olimpiyada habang naroon sila bago ang pagsisimula ng nasabing kompetisyon.
Si Olympic silver medalist Hidilyn Diaz naman ay dati nang may kasamamng support staff sa pamamagitan ng kanyang foreign coach na si Kaiwen Gao, psychologist na si Karen Trinidad, nutritionist na si Jeaneth Aro, na si masseur Belan Banas, strength coach Julius Naranjo at physiotherapist na si Rico Barin na kanyang kakasama sa mga training at sa pagsabak sa mga international competitions.
Dalawang Olympic qualifiers pa ang sasabkan ni Diaz, kung saan ngayong Enero 27-31 ay sasabak siya sa World Cup sa Rome, kasunod ang Asian championships sa Kazakhstan sa Abril 20 hanggang 25 sa 55klg category.
Kabilang sa mga atletang sasabak sa mga Olympic qualifiers ay sina boxers Nesthy Petecio at Eumir Marcial, ang weightlifter na si Nestor Colonia, skateboarder na si Margielyn Didal, ang sprinter na si Kristina Knott, ang mga golfers na sina Yuka Saso, Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan.
-Annie Abad