April 13, 2026

Home BALITA

PBBM, ikinagalit pagsusungit ng isang opisyal ng MWO sa OFWs sa Bahrain

PBBM, ikinagalit pagsusungit ng isang opisyal ng MWO sa OFWs sa Bahrain
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, via Balita


Nagalit umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang mapag-alaman nito ang insidente ng umano’y pagsusungit ng isang opisyal ng Migrant Workers Office (MWO) sa Overseas Filipino Workers (OFW) sa Bahrain.

Napaulat ang pagsusungit umano ng MWO employee sa OFWs matapos mag-viral ang isang kuha ng umano’y pagtataboy nito sa mga Pilipinong nanghihingi ng tulong sa kanila.

KAUGNAY NA BALITA: DMW personnel na nagsuplado sa isang OFW sa Bahrain, sibak sa puwesto!-Balita

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi raw ito ikinatuwa ni PBBM.

“Ang isang public servant ay hindi po dapat na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Walang dahilan ang pagyayabang o pagwawalang-bahala sa ating mga kababayan,” panimula ni Usec. Castro.

Aniya, “Hindi po pinalagpas ni Pangulong Marcos Jr. ang pangyayari sa pagitan ni MWO Bahrain employee Anthony Allermo at mga Overseas Filipino Workers (OFW) doon.”

“Hindi po ito ikinatuwa ng Pangulo. Nagalit siya para sa ating mga OFWs dahil sa pagmamaltrato ng ilang public servant,” dagdag pa niya.

Inilahad din ni Usec. Castro na agad na nakipag-ugnayan si PBBM sa Department of Migrant Workers (DMW) upang bigyang aksyon ang nasabing insidente.

“Noong nakita ng Pangulo ang nag-viral na video na nagpapakita kay Allermo, sa hindi magandang pagtrato sa mga OFWs, ay agad niyang inutusan si DMW Secretary Hans Leo Cacdac na mag-imbestiga at umaksyon sa naturang insidente,” saad ni Usec. Castro.

“Sa ngayon ay ni-recall na si Allermo sa kaniyang home office habang nagpapatuloy ang administrative investigation laban sa kaniya,” dagdag pa niya.

Giit pa ng press officer, wala puwang sa administrasyon ni PBBM ang mga taong walang pusong magsilbi para sa kaniyang kapwa Pilipino.

“Ang taong walang puso sa pagsisilbi ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr,” anang press officer.

“Uulitin po natin, ang utos ng Pangulo ay asikasuhin ang lahat ng ating mga kababayan lalong-lalo na ‘yong mga naiipit sa Middle East,” dagdag pa niya.

“Kung hindi po n’yo nais na magsilbi sa ating mga kababayan nang buong puso, kayo na po ang boluntaryong bumitaw sa inyong posisyon,” pagtatapos niya.

Batay sa huling ulat ni Sec. Cacdac, sinibak na sa puwesto ang naturang opisyal, at ipinag-uutos niya na rin ang pag-recall dito.

"I have issued the order of recalling that MWO Bahrain employee being highly disrespectful to OFWs in a viral video, I assure our dear OFWs that we shall continue to serve with humility, respect and hard work," ani Cacdac.

Vincent Gutierrez/BALITA