April 13, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin, kinondena mga tumatawag na 'terorista' kay Ali Khamenei

Sen. Robin, kinondena mga tumatawag na 'terorista' kay Ali Khamenei
Photo courtesy: Senate of the Philippines (FB), MB FILE PHOTO

Nanawagan si Sen. Robin Padilla sa publiko na magdahan-dahang tawaging “terorista” ang pumanaw na si dating Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei ng Iran. 

Matatandaang inanunsyo mismo ni United States (US) President Donald Trump noong Marso 1, 2026, ang pagkasawi ni Khamenei dahil sa magkasamang pag-atake ng Amerika at Israel laban sa Iran. 

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Ayatollah Ali Khamenei?

Ayon naman sa naging pahayag ni Padilla sa isinagawang sesyon ng Senado noong Lunes, Marso 9, 2026, umapela siyang iwasan daw ng publiko ang mga panawagan nilang walang katarungan dahil nakakasakit daw ang mga ito sa mga kagaya niyang muslim. 

“Hinihiling po namin sa inyo na ang mga panawagan na walang katarungan ay nakakasakit po ng aming mga damdamin,” pagsisimula niya. 

National

Simula Abril 14: PBBM, ibinida ang malaking rollback sa presyo ng langis!

Ani Padilla, itinuturing daw nilang mga muslim sa Spiritual Leader si Khamenei at hindi basta pinuno lang. 

“Ang pumanaw na supreme leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei ay itinuturing ng mga muslim na Spiritual Leader,” aniya. 

Diin pa niya, “Hindi lamang po siya matatawag na isang lider ng isang bansa. Spiritual Leader po.” 

Pagkukumpara ni Padilla, “Kung mayroon kayong tinatawag na ‘Pope,’ meron din po kaming tinatawag na ‘Spiritual Leader.’”

Pagpapatuloy ng senador, nanawagan din siyang magdahan-dahan umano ang publiko sa pagsasabing “terorista” si Khamenei at nakakasakit na raw ang mga nagsasabi nito sa kanilang relihiyon. 

“Hinihingi din po namin po sa inyo na magdahan-dahan sa pananalita ng mga salitang ‘terorista.’ Sapagkat kinikilala po namin na si Khamenei ay apo ng propeta Muhammad… Napakasakit po sa amin na binabansagan siyang terorista.” 

“Hinihingi po namin sa inyo na magdahan-dahan lamang po sa mga panawagan sapagkat nakakasakit po kayo ng isang religion,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Mojtaba Khamenei, ang bagong supreme leader ng Iran

Mc Vincent Mirabuna/Balita