WINALIS nina Margielyn Didal at Daniel Ledermann ang nakatayang gold medals sa women’s at men’s division ng Game of S.K.A.T.E. sa 30th Southeast Asian Games nitong Huwebes sa Sigtuna Hall ng Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.

  WALANG kawala ang skateboarding title kay Didal.


WALANG kawala ang skateboarding title kay Didal.

Naunang tinalo ng reigning Asian Games champion na si Didal si Nyimas Cinta ng Indonesia upang makausad sa finals kung saan tinalo nya ang kakamping si Christiana Means para sa gold medal.

“It means a lot especially sa akin po, for our country, Pilipinas!” anang Cebu pride na si Didal matapos ang panalo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinumpleto naman ni Means, ang 1-2 finish ng mga Pinay at inuwi ang silver medal.

Nagsimula ang kampanya ni Didal sa pamamagitan ng paggapi sa 12-anyos na si Thawdar Shin Thant ng Myanmar habang nanaig naman si Means kontra kay Nur Fara Atika Abdullahb ng Singapore sa preliminaries.

Sa kalalakihan, namayani naman Ledermann kontra kay Basral Hutomo ng Indonesia sa gold medal round.

Naunang ginapi ng 24-anyos na si Ledermann si Suppapit Phetsuk ng Thailand sa preliminaries kasunod ang Singapore bet na si Muhammad Feroze Abdula Rahman sa quarterfinals at si Tien Son Nguyen ng Vietnam sa semifinals.

Hindi naman umabot ng medal round ang isa pang Filipino skateboarder na si Jeffrey Gonzales matapos mabigo sa quarterfinals.

-Marivic Awitan