APAT na Filipinong boksingero, sa pangunguna ni Josie Gabuco ang nakatitiyak ng medalya makaraang magsiusad sa semifinals ng 30th Southeast Asian Games boxing competition Miyerkules ng gabi sa PICC Forum.
Tinalo ng Asian champion na si Gabuco si Raksat Chuthamat ng Thailand, 4-1, sa quarterfinals upang makasiguro ng bronze medal sa light flyweight division.
Nagsipagwagi rin sa kanilang quarterfinal bouts sina bantamweight Aira Villegas at flyweight Irish Magno upang umusad sa medal round.
Ginapi ni Villegas si Vongphachan Vilayphone ng Laos, 5-0 habang nanaig din si Magno kay Leona Hui Xin Yee ng Singapore, 5-0,upang makatiyak ng bronze medal.
Nanaig din si Carlo Paalam laban kay Khamsathone Khamphouvanh ng Laos, 5-0, sa kanyang light flyweight quarterfinal bout.
Samantala, habang isinasara ang pahinang ito kahapon ay nagsimula na ring kumampanya sina flyweight Rogen Ladon, light welterweight Charly Suarez at light heavyweight John Marvin.
-Marivic Awitan